Iniimbestigahan pa rin sa kasalukuyan ng mga awtoridad ang kaso sa pagpaslang kay Mary Anne Hernandez at wala pa umanong nakikitang malinaw na motibo tungkol dito.
Sa gitna ng mga espekulasyon kaugnay ng pagpatay kay Hernandez nilinaw ng Public Information Office ng Nueva Ecija Provincial Police Office na patuloy pa rin ang pangangalap nila ng mga impormasyon na makatutulong sa pagresolba nito.
Sinabi ni Police Senior Inspector Jacquiline Gahid, Chief ng PIO-NEPPO sa eksklusibong panayam ng Unang Sigaw na maraming anggulo ang tinitingnan sa pagpaslang kay Mary Anne.
Ayon pa kay Gahid, wala pang partikular na lead na sinusundan ang kapulisan maliban sa development report na inilabas ng PIO-NEPPO.
Base sa report, isiniwalat ng asawa ni Hernandez na nakatanggap ang biktima ng death threat dalawang taon na ang nakalilipas.
Pinaniniwalaan din nito na ang posibleng motibo sa pagpapatay sa kanyang asawa ay may koneksyon sa trabaho nito.
Kaugnay nito ay halos araw-araw ang isinasagawang pagsisiyasat ng Special Investigation Task Force Hernandez katuwang ang CIDG at Anti Cybercrime Group upang mapabilis ang imbestigasyon. –Ulat ni Irish Pangilinan