“And to the teachers, alam mo dito who toil and work tirelessly to educate our young. Kasali nap o dito ‘yung hinihingi ninyo. Hindi naman masyadong malaki, pero it will tide you over during these hard times. A little bit bigger than before.”

Ito ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang 4th State of the Nation Address noong Lunes, July 22, 2019 na ikinatuwa ng ilang mga guro at nars sa Nueva Ecija.

Anim na mga guro kabilang ang kanilang Principal ang aming nakapayam sa Nueva Ecija National High School na nagsabing sila ay natutuwa dahil sa wakas ay napakinggan na rin ang kanilang hinaing na taas sweldo pero sana naman daw ay hindi ito nalalayo sa itinaas ng sahod ng mga sundalo at pulis.

Para kina Anna Eloisa Ocampina at Evangeline Mejia, bagaman isang magandang balita ang sinabi ng Pangulo para sa kanila ay iniingatan pa rin nilang huwag umasa ng mataas.

Anila, anumang halaga ang maidagdag sa kanilang buwanang sweldo ay lubos nilang ipagpapasalamat sa Presidente dahil maliban sa kanilang mga personal na pangangailangan ay makadadagdag din ito para sa pagpapaganda ng kanilang mga silid-aralan.

Dagdag nina Ocampina at Mejia, nararapat din naman talagang makatanggap ng dagdag na sweldo ang mga kaguruan dahil tulad ng mga pulis at sundalo sila man ay lumulusong din sa giyera laban sa kamangmangan at iba’t ibang karakter ng bawat batang kanilang tinuturuan.

Giniit naman ni Secondary School Principal IV Rowena Caoile ang malaking papel na ginagampanan ng mga guro para sa pagbibigay ng kaalaman tungo sa pag-unlad ng anumang propesyon.

Sa kasalukuyan ay nasa salary grade 11 o mahigit 20, 000 pesos ang sweldo ng isang Teacher I.

Inaasahan naman ng mga nurse sa ELJ Memorial Hospital na mula sa entry level na salary grade 11 o may katumbas na 20, 754 pesos ay magiging salary grade 15 o sweldong mahigit sa 30, 000 pesos ang kanilang mga sweldo mula sa bagong Salary Standardization Law na binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA.

Ayon kina Assistant Nurse Edelmira Bajacan at Head Nurse ng Medicine Annex 3 Candida Dela Cruz, ang nakaambang pagtaas ng kanilang mga sweldo ay makatutulong upang hindi na umalis pa ng PIlipinas ang mga kagaya nilang nurse upang magsilbi sa ibang bansa.

Malaki naman ang pasasalamat nina Acting Head Nurse ng Medical ward na si Mylene Corpuz at OB ward Rowena Reyes sa Presidente dahil sa paglalaan nito ng pansin sa pagtaas ng sweldo ng mga nurse. – Ulat ni Jovelyn Astrero