Php1-M, reward ni Governor Umali sa makapagbibigay ng impormasyon sa pagpatay sa kanyang staff
Magbibigay isang milyong pisong pabuya si Governor Czarina Umali sa sino mang makapagtuturo at makapagbibigay ng impormasyon upang mapanagot ang mga suspek at taong nasa likod ng pamamaslang kay Mary Anne Hernandez, Chief Administrative Officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.
Sa pahayag ni Governor Umali, ay sinabi nito na hindi sila titigil hanggat hindi nakakamit ng pamilya Guevarra-Hernandez ang katarungan.
Nanawagan din si umali sa maaaring maging testigo sa nangyaring krimen na lumitaw na at isiwalat ang mga nalalaman, anumang pagkakakilanlan nito ay sinisigurong mananatiling pribado at confidential at bibigyan din ito ng proteksyon.
Nag-alok din ng php200, 000 pesos si Talavera Mayor Nerivi Santos bilang pabuya, kaya sa kabuuan ay aabot sa php1.2 million pesos ang reward.
Si Hernandez ay inambush noong january 14, 2018 alas sais trenta ng gabi sa Shell Gasoline Station sa Barangay Marcos, Bayan ng Talavera.
Libreng Serbisyong Medikal, handog ng San Jose City
Nakatakdang magsagawa ng isang Medical Mission para sa mga kababayan na nangangailangan ng libreng serbisyong medikal ang Phil-Am Medical Mission of Michigan sa pakikipagtulungan ng Lungsod ng San Jose na gaganapin sa February 12-16, 2018.
Ang serbisyo ay kinabibilangan ng medical check-up & consultation, dental check-up and services, blood pressure & blood sugar screening, breast cancer detection & screening, surgical operations.
Ang unang singkwenta hanggang tatlong daang pasyente ang mabibigyan ng pagkakataon sa libreng programa.
Para sa karagdagang detalye, magtungo lamang sa City Health Office. -Ulat ni Danira Gabriel
Psychiatric test walang kinalaman sa impeachment kay Sereno
Naniniwala ang kampo ni Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno na hindi importante sa ginaganap na pagdinig sa impeachment case ng House committee on justice ang umano’y ‘bagsak’ na mental evaluation nito bago siya naging Punong Mahistrado.
Ayon kay Atty. Josalee Deinla, isa sa mga tagapagsalita ni Sereno, hindi na umano mahalaga na talakayin pa ito sa impeachment hearing.
Iginiit ni Deinla na ang test ay personality assessment at hindi nagdedetermina ng mental disorder.
Bukod dito, kahit na ano pa ang naging resulta, Isinama ng JBC ang pangalan ni Sereno sa short list na naging daan sa kaniyang appointment noong 2012.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran