Pinayuhan ng Office of the Provincial Agriculturist o OPA ang mga magsasaka ng Nueva Ecija na ugaliin nang magtanim ng mas maaga kaysa sa nakagawian na panahon nang taniman tuwing second crop o wet season.
Ito ang paraan ng OPA-NE, upang maalalayan ang mga magsasaka na makaiwas sa mga buwan na madalas manalanta ang mga bagyo at masiguro ang sapat na ani, lalo na ang probinsiya ang nangunguna sa pag-produce ng palay.
Ayon kay Provincial Agriculturist Serafin Santos, nakikipagusap na sila sa pamunuan ng National Irrigation Administration o NIA upang ibahin ang farm calendar sa lalawigan upang mapaghandaan ang paparating na La Niña.

Dumapang palay noong buwan ng Oktubre, kasagsagan ng Bagyong Lando.
Suhestiyon ni Santos, imbes na July hanggang August ang taniman, i-aga na lang ito at gawing June hanggang katapusan ng July, para maiwasan ang mga buwan ng Setyembre at Oktubre na kadalasang panahon na dumarating ang malalakas na bagyo at panahon kung saan kasalukuyang namumulaklak ang mga punlang palay.
Matinding hamon umano ito para sa sektor ng agrikultura, dahil katatapos lang maranasan ng mga magsasaka ang epektong dulot ng El Niño o tag-tuyot. Ngayon ay papasok naman ang La Niña o panahon kung kailan nararanasan ang malakas at mahabang pag-ulan.
Inihayag din niya, na siguradong sa susunod na taon pa ito masusunod ng mga magsasaka.dahil naantala ang nia sa pagpapalabas ng tubig sa mga sakahan.
Payo din ni Santos, siguraduhin ng mga magsasaka na i-insured ang kanilang mga pananim, upang sa ganun ay ma-proteksiyon ng mga magsasaka ang kanilang kabuhayan. -Ulat ni Danira Gabriel