Malaking kawalan sa Pamahalaang Panlalawigan para sa mga katrabaho ang pagpanaw ni Mary Anne Hernandez dahil sa tunay na malasakit nito sa paglilingkod sa mga mamamayan.

Panghihinayang ang nadarama ni Jojo Daniel, Chief ng PSWDO, sa maagang pagkawala ng itinuturing nitong mabait na kaibigan.

Aniya, anuman kasing ilapit na problema o suliranin kay Meanne ay dagli umano nitong natutugunan, patungkol man sa trabaho o sa personal na buhay ng mga kapwa empleyado.

Super woman at magaling na empleyado, ganito isinalarawan ni Aurora Macapagal, Social Worker sa Language Skills Institute, si Meanne Hernandez. Kwento nito, dati ay hindi ito malapit kay Meanne ngunit nang makapalagayang loob niya ito ay doon niya nakita ang magagandang katangian nito na naging inspirasyon din niya dahil sa dedikasyon at pagmamahal nito sa trabaho.

Tila umano pilay ngayon ang bawat opisinang pinangangasiwaan nito dahil hands-on itong magtrabaho pagdating sa mga pangangailangan ng bawat departamento.

Hindi nito napigilan ang mapaluha habang ipinahahayag ang labis na pagmamahal para kay Meanne at kalungkutan dahil sa maaga nitong pagpanaw.

Dagdag pa niya, naging sandigan din niya si Meanne nang mawala ang kanyang mga magulang at maging sa iba pa nitong personal na problema lalo na sa pinansyal na pangangailangan.

Pasasalamat naman ang pabaon ni Christian Gerald Mangahas, pamangkin at personal driver ni Maeanne para dito dahil sa loob ng dalawang taon na pinagsamahan nila ay puro kabutihan aniya ang ipinakita nito sa kanya.—Ulat ni Jovelyn Astrero