Naging matagumpay ang kampanya sa Region III kaugnay ng pagbabawal sa mga malalakas na paputok dahil bumaba ng 64% ang bilang ng mga nasugatan o nabiktima ng paputok sa rehiyon kumpara sa nagdaang taon, base sa datos ng regional office ng Department of Health.

Ayon kay Norberta Mallari, Sanitation Inspector ng Provincial Health Office, nakapagtala ng 190 na kaso ng nabiktima ng paputok sa buong rehiyon mula Dec. 21, 2017 hanggang January 3, 2018. Mas mababa ito kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon na mayroong 529 na kasong naitala.

Nanguna ang Pampanga kung saan may naitalang 67 na kaso at sinundan ito ng Tarlac na may 33 na kaso at Zambales na may 31 na kaso. Nasa pang-apat na pwesto naman ang Nueva Ecija na may 30 na kaso ng mga nabiktima ng paputok.

Samantala, may pinakamaraming nasugatan dahil sa paputok na Piccolo kung saan 39% o 75 na kaso sa buong rehiyon ang nabiktima nito.

Karamihan naman sa mga biktima ay nasa edad na onse hanggang bente anyos kung saan 74 na kaso ang naitala. Samantala, mas maraming kalalakihan ang nasugatan na nasa 87% kumpara sa mga kababaihan na nasa 13%.

Samantala, sa lalawigan naman ng Nueva Ecija ay bumaba ng 33% ang bilang ng mga nabiktima ng paputok. 30 na kaso ang naitala sa lalawigan mula Dec. 21, 2017 hanggang Jan. 3, 2018. Mas mababa ito kumpara sa 45 na kaso sa nakaraang taon.

Nanguna naman ang lungsod ng Cabanatuan at San Jose sa listahan ng mga kaso ng nabiktima ng paputok na parehong nakapagtala ng 9 na kaso. –Ulat ni Irish Pangilinan