Certified idol ngayon ng bayan ang tricycle driver ng Cabanatuan City dahil sa pagsasauli nito ng higit isandaang libong piso na naiwan ng kaniyang pasahero, patunay ang kabi-kabilang papuri na natatanggap nito mula sa mga netizens.

Maging si Governor Czarina Umali ay humanga rin kay Jun Galang dahil sa ipinamalas nitong katapatan at malasakit sa kapwa.

Habang iginagawad dito ang sertipikasyon ng pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ay hindi napigilang tawaging “idol” ng gobernadora ang tricycle driver.

Si Galang ay naninirahan sa barangay Barrera, Cabanatuan, may isang anak at Board of Director ng TODA ng Mc Donald’s Sanciangco, Cabanatuan.

Sina Governor Czarina Umali at Vice Mayor Anthony Umali habang iginagawad ang sertipikasyon ng pagkilala kay Jun Galang.

Inanyayahan ni Gov Cherry sa kanyang tanggapan si Jun kasama ng Pangulo ng kanilang TODA na si Vergel Macatangay at ipinagkaloob ang gantimpala sa mga ito upang magsilbing inspirasyon sa mamamayan.

Nagsimulang sumikat si Galang nang magpost sa social networking site na Facebook ang isang Mykel Cruz na nagpapasalamat dahil hindi nito pinag-interesan ang isang supot ng pera na nakalimutan ng lola ng kanyang asawa sa tricycle.

Kwento ni Jun, may nakaiwan na rin dati ng cellphone sa kanyang tricycle at ibinalik niya rin ito. Kahit mahirap lang aniya siya ay hindi niya magagawang ariin ang hindi sa kanya.

Pinaalalahanan naman ng Pangulo ng TODA ng Mc Donald’s Sanciangco ang mga mananakay na sa mga lehitimong pilahan ng tricycle lamang sumakay upang makasiguro na magiging ligtas ang byahe at isasauli ang anumang bagay o pera na kanilang maiiwanan.- ulat ni Clariza de Guzman