Paralisado umano ang operasyon ng mga opisina sa Munisipyo ng Pantabangan resulta ng pagkakaroon ng dalawang tumatayong Punong Bayan. Epekto pa nito ay ang hindi pagsweldo ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Pantabangan.

Lumilitaw na dalawa muli ang Mayor ng Pantabangan, ito ay matapos na manatili sa kanyang posisyon si Mayor Lucio Uera pagkaraang mag-expire ng Temporary Restraining Order na ipinagkaloob sa kanya ng Court of Appeals para sa kasong isinampa niya laban sa Ombudsman.

Pinaninindigan ni Mayor Uera ang pinakahuling order ng Department of Interior and Local Government na nagpapanatili sa kanya bilang alkalde hanggang sa muling maglabas ng desisyon ang korte.

Habang iginigiit naman si Vice Mayor Ruben Huerta na siya na ang dapat na kilalaning Punong Bayan, patunay umano ang liham galing kay DILG Undersecretary Austere Panadero kung saan nakasaad ang kanyang pagiging lawful successor ng nasabing pwesto dahil hindi nakakuha ng injunction si Uera.

Dahil dalawa ang umaaktong alkalde, nahati ang suporta ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan; may mga patuloy na tumitindig para kay Uera at may mga pumapanig naman kay Huerta, na kitang-kita sa magkasunod na flag raising ceremony na ginaganap tuwing araw Lunes.

Napapanatili naman ang katahimikan sa Munisipyo dahil sa pagdaragdag ng mga otoridad na nagbabantay.

Magkasalungat man ng sinusuportahan ang mga kawani, parehong magkabilang panig ang umaaray dahil isang buwan na naman silang hindi sumusweldo.

Nakuha na umano ng ibang empleyado ang kanilang sweldo para sa buwan ng Marso at Abril noong bumalik sa pwesto si Uera. Ngunit magmula ng mapaso ang TRO nito, nagkaroon na naman ng problema sa kanilang sweldo.

Resulta rin ng dalawang tumatayong Mayor, paralisado ang operasyon ng mga opisina sa Munisipyo dahil hindi umano makapaglabas ng pondo sa bangko.

Panawagan ng mga empleyado sa kinauukulan, sana ay may mamamagitan na sa sitwasyon sa Pantabangan upang matuldukan na ang kanilang problema.- Ulat ni Clariza De Guzman