Drill sa aktwal na pagresponde ng mga rescuer sa biktimang nasugatan sanhi ng malakas na lindol.

Drill sa aktwal na pagresponde ng mga rescuer sa biktimang nasugatan sanhi ng malakas na lindol.

Dumalo ang mga kawani ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan at indibidwal mula sa Lalawigan sa sabayang pagsasagawa ng Earthquake Preparedness Drill na pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan, upang talakayin ang mga paghahanda sa pagdating ng tinaguriang “THE BIG ONE”.

Ayon kay Executive Officer Bencelito Parumog ng PDRRMO o Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, layunin ng programa na ihanda ang mga Novo Ecijano sa pagdating ng malakas na lindol sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kaalaman upang mapanatili silang ligtas sa nakaambang kapahamakan.

Dagdag pa ni Executive Officer Parumog na hindi nila mapepredict o ng anumang magagaling na bansa ang eksaktong petsa o araw ng pagdating ng lindol, tanging paghahanda lamang aniya ang kayang gawin ng bawat isa.

Mga participants sa isinagawang Earthquake Drill habang umaakto ng tamang gawin kapag nagkalindol.

Mga participants sa isinagawang Earthquake Drill habang umaakto ng tamang gawin kapag nagkalindol.

Kabilang sa mga itinuro ay ang paraan ng pagbibigay ng paunang lunas sa mga maaaring mabiktima ng lindol, itinuro sa kanila ang tamang paglalagay ng mga benda sa bahagi ng katawan na napinsala dulot ng paglindol.

Aktwal ding itinuro sa mga nagsidalo ang dapat na gawin kapag narinig na ang sirena o bell na naghuhudyat ng malakas na lindol, una huwag magpanic o mataranta bagkus ay pumunta sa ilalim ng lamesa habang ang mga kamay ay nakacover sa ulo at manatili doon hanggang matapos ang paglindol.

Pagkatapos ng lindol ay panatilihin pa ring kalmado ang mga sarili, at dapat tandaan ang DON’T TALK, DON’T PUSH, DON’T RUN AT DON’T RETURN.

Ang apat na ito ay makatutulong umano upang hindi magkagulo at upang maging maagap sa posible pang mangyayari, panatilihing kalmado ang sarili upang makapag-isip ng tama sa panahon ng sakuna.

Aktwal ding ipinakita dito ang drill ng mabilis na pagresponde ng iba’t ibang sangay ng Gobyerno na nakasasakop sa mga disaster operations, sa mga lugar at biktima ng malakas na lindol.

Dahil sa mga natutunan ibabahagi din umano ni Narsocelito Mateo ng PHO ang mga bagong kaalaman sa kanilang komunidad at iba pang komunidad upang mabigyan din ng kaalaman ang kapwa Novo Ecijano kung paano magiging ligtas sa nakaambang panganib.

Ayon naman kay Engineer Gregorio Ampad, Chief of Environmental and Sanitation Division ng Provincial Health Office, kung ang lahat ng mga Novo Ecijano ay magkakaroon ng ganitong uri ng mga kaalaman ay naniniwala siyang hindi man mawala ay mapapababa naman ang bilang ng maaaring maging biktima ng lindol.