Tututukan umano ng bagong provincial director ng Nueva Ecija Police Provincial Office na SI PSSUPT Eliseo Tanding ang internal cleansing sa hanay ng kapulisan.
Sa ekslusibong panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Provincial Director PSSUPT Tanding, sinabi nito na dahil hands off na ang mga pulis sa laban ng gobyerno sa illegal na droga, una niyang pagtutuunan ng pansin ang paglilinis ng kapulisan na sangkot sa katiwalian.
Unang hakbang umano ng pagpapatupad nito ay ang pagbibigay ng direktiba sa mga chiefs of police at unit commanders sa lalawigan na pag-aralan ang kanilang mga tauhan kaakibat ng kanyang payo na pangalagaan ang mga ito upang matiyak na nagagawa nila ang kanilang mandato na paglingkuran ang mamamayan.
Kung may pulis man sa lalawigan na mapatutunayang gumagawa ng illegal ay idadaan aniya ito sa due process o tamang paraan na naaayon sa batas.

Si PSSUPT eliseo Tanding habang pinupulong ang kanyang staff sa NEPPO.
Una ay didis-armahan muna ang pulis habang isinasailalim sa imbestigasyon kasunod ang pagtatanggal nito sa trabaho. Katulad na lamang ng isang opisyal na nagpositibo kamakailan sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Humihiling din ng suporta ang bagong PD sa mga Novo Ecijano upang maayos na magampanan ng kapulisan ang kanilang tungkulin.
October 11, 2017 nang pormal na maupo sa kanyang katungkulan si PSSUPT Tanding na tubong La Trinidad, Benguet. Nagtapos sa Philippine National Police Academy at kabilang sa Class of Tagapamayapa ng taong 1990.
Dalawang beses na naging bahagi ng United Nations Peacekeeping Missions sa Sudan, Africa at East Timor. Huling assignment nito ay sa Logistics Support Service ng Camp Crame bago nadestino dito sa Nueva Ecija.- ulat ni Clariza de Guzman