Sa pamamagitan ng mga kawani ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan sa pamumuno ni Vice Mayor Doc Anthony Umali ay muling nagkita ang labing pitong taon ng nagkawalay na mag-ama.

   Mahigpit na yakap ang isinalubong sa isa’t-isa ng mag-amang Tatay Romualdo at Carla sa kanilang kauna-unahang pagkikita makalipas ang labing pitong taon na pagkakawalay.

   Hindi na napigilan ni Carla ang pagtulo ng kaniyang luha dahil sa wakas ay personal na niyang nakita at nayakap ang kaniyang ama.

   Mula nang maghiwalay ang mga magulang ni Carla ay hindi na niya nasilayan ang kaniyang ama. Lumaki siya sa Bulacan, habang ang kaniyang Tatay Romualdo ay nanirahan sa Cabanatuan. Tanging ang kaniyang ina at kuya ang nakagisnan na pamilya ni Carla. Ang tumayong tatay, ay ang kaniyang Lolo, na si Lolo Sergio.

   Sa pamamagitan ng ipinadalang Private Message ni Carla sa FB page ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ay nahanap ng mga kawani ng SP ang kinaroroonan ni Tatay Romualdo na kasalukuyang nakatira sa Brgy Valdefuente.

   Sa mensahe ni Carla, sinabi nito na matagal na niyang hinahanap ang kaniyang ama. Gustong-gusto umano niya na maramdaman ang akap ng kaniyang papa.

   Lubos naman ang pasasalamat ni Tatay Romualdo sa sp sa pagbubukas ng pinto para sa pagtatagpo nilang mag-ama.

   Isang simpleng regalo naman ang iniabot ni Vice Mayor Doc Anthony Umali sa mag-ama, upang masulit ang araw ng kanilang pagkikita. -Ulat ni Danira Gabriel