
Umabot sa Apat na raan at Apat na pu’t limang milyong piso ang ibinaba sa Nueva Ecija, sa ilalim ng Universal Health Care Law. Ayon yan kay Senator JV Ejercito na pangunahing may akda ng batas.
Sa pagbisita ni Senator JV Ejercito sa lalawigan ng Nueva Ecija ay ipinagmamalaki nitong ibinalita na umaabot sa Apat na raan at Apat na pu’t limang milyong piso ang ibinabang pondo sa mga ospital sa Nueva Ecija, sa ilalim ng Universal Health Care Law na pangunahin niyang iniakda.
Kabilang na ang Muñoz District Hospital na pinagkalooban ng P30 Milyon para sa imprastraktura, gayundin ang Talavera Extension Hospital na nabigyan ng P30 Milyon para sa pagpapasaayos ng naturang ospital.
Habang ang Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center naman ay nabiyayaan ng P200 Milyon para sa imprastraktura at P185 Milyon naman para sa mga kagamitan o equipment.

Ayon sa Senador malaki ang maitutulong ng Universal Healthcare Law sa masang Pilipino.
Sa ilalim kasi ng batas, mabibigyan na ng pantay na serbisyo ang ating mga kababayang mahihirap na may sakit, pinalalawig din nito ang programa ng PhilHealth Insurance Coverage kasama ang libreng konsultasyon at iba pang diagnostic services.

At pagpapalawak ng mga pasilidad sa mga Ospital upang matugunan ang lahat ng mga mamamayan na magpapagamot at magkakasakit.

Samantala, nilinaw din ni Senator JV na wala namang nakalagay sa Republic Act na kaniyang pinirmahan na aluminum o metal na plaka ang gagamitin sa unahang bahagi ng mga motorsiklo.
Aniya, tinatrabaho nila ngayon sa paggawa ng Implementing Rules and Regulation na Decal sticker na Radio-Frequency Identification o RFID System ang ilalagay imbis na aluminum o metal plate dahil lubha umano itong delikado.

Dagdag pa ng Senador, kapag naipatupad na ang paggamit ng Decal sticker na RFID System maiiwasan na ang mga diskriminasyon at pagkaabala sa mga riders kapag sila ay nasa Checkpoint.
I –scan lang ang naturang sticker, ay matutukoy na agad kung ano ang pagkakakilanlan ng motorsiklo at sino ang may ari nito.
Umaasa ang Senador na magiging kapakipakinabang ang pagsasabatas ng Doble plaka para sa mga riders.
Ang Universal Healthcare Law, Department of Human Settlements or Housing, Anti – Agriculture Smuggling Law at Free Irrigation Act ay ilan lang sa mga batas na isinulong ni Senator JV Ejercito sa Senado bago matapos ang kaniyang termino. -Ulat ni Getz Rufo Alvaran/Lerie Sabularce.