Nagbabala ang Provincial Health Office sa mga nagsasagawa ng indiscriminate fogging na mga lokal na opisyal kontra sa sakit na dengue.

Ayon kay Provincial Health Officer Benjamin Lopez, nagdudulot pa ng mas masamang epekto ang pagpapausok sa kapaligiran imbes na makatulong upang makapagligtas sa mga residente na naninirahan dito.

Pumalo na kasi sa halos triple ang kaso ng dengue sa probinsiya kung ikukumpara noong nakaraang taon.

Base sa tala ng PHO, umakyat na ngayon buwan ng Agosto sa 2,842 ang kaso ng dengue kumpara sa unang walong buwan noong nakaraang taon na 1,097 na kaso. Kung susumahin nasa 159% ang inilobo ng bilang nito.

Nangunguna naman ang bayan ng San Isidro na may 559 na kaso; sumunod ang ang lungsod ng Cabanatuan na may 463 na kaso at pangatlo ang bayan ng San Antonio na may 274 na kaso.

Pagdating sa death cases ay mahigit doble rin ang ini-akyat nito, mula sa anim noong nakaraang taon ay naging labing apat na sa kasalukuyan.

Giit ni Lopez,may tamang pamamaraan sa pagsasagawa ng pagpapausok.

Huwag aniyang gamitin ng ilang pulitiko ang operasyon upang magpabida sa mga residenteng nasasakupan nito.

Pinakamainam pa rin aniyang solusyon ang 4S strategy laban sa dengue:

  • Search & destroy- hanapin at sirain ang mga lugar na pinamumugaran ng lamok.
  • Seek early consultation- agad magpatingin sa doktor sakaling makitaan ng sintomas na dengue fever gaya ng taas-babang lagnat, lagnat nang higit sa dalawang araw, rashes at pagdurugo.
  • Self-protection- protektahan ang sarili mula sa lamok. Gumamit ng mosquitto repellant kung maaari.
  • Say ‘no’ to indiscriminate fogging- huwag basta-bastang magsagawa ng fogging at pagsabihan ang mga taong gumagawa nito.

Ulat ni Danira Gabriel