Pinabulaanan ng 7th Infantry ‘Kaugnay’ Division ng Philippine Army sa Fort Magsaysay ang pag-torture sa apat na kababaihang nadakip na di umano’y miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army.

Sa eksklusibong panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Major General Felimon Santos Jr., itinanggi nito ang akusasyon ng human rights group na ‘Karapatan’ Hinggil sa alegasyon na tinorture umano ang apat na kababaihang dinakip ng military at kapulisan.

Bilang patunay ay ipinakita ang mediko legal ng apat na nagsasabing pagkatapos hulihin ay nasa maayos na kalagayan ang mga ito at hindi sinaktan tulad ng mga paratang ng ‘Karapatan’.

Matatandaan na noong hapon ng October 13, 2018 ay nahuli ang apat na kababaihan na hinihinalang miyembro ng mga armadong grupo na kinilalang sina Yolanda “Mariz” Ortiz, Eulalia “Liza” Ladesma, Elaine Edzel “George” Emocling at Rachel “Rose” Galario.

Kaugnay nito ay nilinaw ni Major General Santos na kaya hinuli ang apat ay dahil may dala itong mga armas at hindi kinukuwestyon ang pagsali ng mga ito sa iba’t ibang grupo.

Agad nakapagpiyansa ang dalawa sa apat na kababaihang nahuli na sina Emocling at Galario para sa kasong illegal gun possession habang sina Ladesma at Ortiz na may kasong possession of explosives ay nananatili sa kustodiya ng CIDG at nakapiit sa Nueva Ecija Provincial Jail.

Sa huli ay nangako si Major General Santos na tutulong ang militar para maging maayos ang pamumuhay ng mga nahuling kababaihan at nanawagan din ito sa lahat n asana ay gawin nila ang kanilang tungkulin para sa mas ikabubuti ng bayan. –Ulat ni Jessa Dizon