Mariing tinututulan ng ilan sa mga jeepney drivers sa Nueva Ecija ang Public Utility Vehicle Modernization program ng gobyerno o ang pagpe-phase out ng mga lumang jeep upang palitan ito ng mga moderno.
Sa sampung tsuper na aming nakapanayam, siyam dito ang hindi pabor sa nasabing programa. Samantala, isa naman sa kanila ang pumabor sapagkat papautangin sila aniya ng gobyerno upang makabili ng bagong jeep.
Hinaing naman ng ibang mga driver, wala silang pambili ng modernized jeepney na nagkakahalaga ng 1 hanggang 1.8 million pesos kaya naman kapag na-phase out na ang mga luma nilang sasakyan ay mawawalan na rin sila ng hanap-buhay na pinagkukunan nila ng panggastos sa araw-araw.

Ipinakita ng Department of transportation of Department of Trade and Industry ang itsura ng modernized jeepney sa expo na ginanap noong October 12. (Photo: DOTr)
Ang PUV modernization program ay inilunsad ng Department of Transportation noong June 19 na naglalayong makapagbigay ng maayos at environment friendly na uri ng transportasyon sa mga pasahero.
Ayon kay Tarcila Dela Cruz, officer in charge ng Land Transportation Office ng Cabanatuan City, 80,000 pesos ang ibibigay ng gobyerno bilang subsidy sa mga driver upang makabili ng bagong jeep.

Photo: Assortedge
Sa isang kompyutasyon naman na ginawa ng Assortedge, isang media organization, lumalabas na P313,142.86 ang kailangang bayaran ng mga driver bawat taon. Ito ay P26,095.24 buwan-buwan o P869.84 bawat araw.
Base ito sa mga datos na binigay ng gobyerno kung saan ang presyo ng isang unit ng jeep ay nagkakahalaga ng 1-1.8 million pesos. Maaaring umutang ang mga driver ng may 6% na interest kada taon.
Kung susumahin ang halaga ng babayaran ng mga driver para sa 1.6 million na unit ng jeep at ang interes nito sa loob ng pitong taon, ay lolobo sa 2,192,000 pesos ang babayaran ng mga tsuper.
Kung titingnan sa 8 pesos na minimum fare, ang isang jeep ay kailangang makapagsakay ng 109 na pasahero bawat araw upang makabayad sa kanilang loan.
Kung sa bagong jeep naman na 22 na pasahero ang kayang isakay, limang punong byahe ang kailangan ng isang driver upang kumita ng 880 pesos na ipambabayad sa loan.
Wala pa ritong kita ang driver pati na rin ang pambayad sa boundary, gasolina at iba pang gastos. –Ulat ni Irish Pangilinan