Bumida ang mga pambato ng iba’t-ibang kolehiyo para sa patimpalak na Ms. NECSL at Dance Sport sa Opening Ceremony ng Nueva Ecija Collegiate Sports League Season 6 na ginanap nitong September 20 sa gymnasium ng Nueva Ecija Univesity of Science and Technology o NEUST Sumacab.
Nangibabaw sa sampung kandidata ang ganda ng representative ng Wesleyan University of the Philippines na si Aileen Inductivo na nakasungkit ng titulong Ms. NECSL. Nagpasalamat din ang dalaga sa lahat ng nagpakita ng suporta para sa kanya.

Fr. L-R; Ms. NECSL 1st runner-up si Clarisse Gutierrez, Ms. NECSL 2017 Aileen Inductivo, Ms. NECSL 2nd runner-up Rose Ann Yambot
Wagi naman bilang 1st runner-up si Clarisse Gutierrez na mula sa NEUST habang 3rd runner-up naman si Rose Anne Yambot ng College of Research and Technology. Sa panayam naman kay Rose Ann, hinikayat nito na makilahok ang kapwa niya kabataang Novo Ecijano sa mga ganitong klase ng programa upang maibahagi ang talento at galing ng mga ito.
Naging masigla pa lalo ang mga mag-aaral at manonood nang magsimula ng umindak ang mga kalahok sa Dance Sport. Pitong pares ang nagpagalingan sa pagsayaw ng Zamba, Cha-cha, Rumba at Jive. Nagpakita naman ng galing sa choreography at style and technique sina Gian Frances Barawig at Randelle Delos Santos na mula sa NEUST na siyang naging dahilan upang magkampeon sila sa Dance Sport. Itinanghal naman na 1st runner-up sina Arish Ciriaco at Precious Alejo na mula sa CIC. habang 2nd runner-up naman sina Hannah Tique at Arnold Bryan Tañega ng CRT.
Ang NECSL na ngayon ay nasa pang-anim na season ay binuo ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Czarina Umali at sa pakikipagtulungan ng Sports and Youth Development Council.

Pinangunahan ni 2017 SEA Games Decathlon Champ Aries Toledo ang lighting of torch kasama ang mga team captains ng bawat koponan sa NECSL Season 6.
Samantala, dumalo sa nasabing seremonya ang 2017 Southeast Asian Games Decathlon Champ Aries Toledo na siyang naguna sa lighting of torch kasama ang mga team captains ng bawat koponan.
Dumating din sa opening ceremony si Cabanatuan Vice Mayor Anthony Umali na nakasuporta sa larangan ng sports sa simula’t sapul. Sa pahayag ng bise alkalde, sinabi nito na sa pamamagitan ng ganitong klaseng programa ay naipapamalas ang galing ng mga kabataang Novo Ecijano sa larangan ng sports.
Pinarangalan din ng Plaque of Appreciation ang bawat sports coordinator na nagmula sa iba’t-ibang kolehiyo.
Samantala, 9 na koponon ang maglalaban-laban para sa basketball na kinabibilangan ng CRT Blue Fox ng College for Research and Technology, ELJMC Black Ravens mula sa ELJ Memorial College, MVGFC Ambassadors mula sa Manuel V. Gallego Foundation College, ACLC Titans mula sa AMA Computer Learning Center Gapan at GJC Generals ng General de Jesus College. Kasama rin ang ABE Wolves mula sa ABE International Business College, La Fortuna Spartans ng La Fortuna College, CIC Kings mula sa College of Immaculate Concepcion at WUP Riders mula naman sa Wesleyan University of the Philippines. –Ulat ni Irish Pangilinan
Maghaharap-harap din ang 9 na koponan para sa men’s volleyball na kinabibilangan ng Green Cobras ng Central Luzon State University, CIC, La Fortuna College, ELJMC, ACLC, NEUST, WUP, CRT at MVGFC.
Para naman sa women’s volleyball ay maglalaban-laban ang walong team. Kasama rito ang NEUST, WUP, ACLC, MVGFC, CRT, CIC, ELJMC at La Fortuna College. –Ulat ni Irish Pangilinan
21