Makalipas ang halos limang taon nakamit na rin sa wakas ni “Mina”, hindi tunay na pangalan, ang hustisya para sa kasong rape na isinampa laban kay Pantabangan Ex-Vice Mayor Romeo Borja Jr., dahil sa hatol na 40 years life imprisonment.

Sa ibinabang desisyon ng korte noong lunes September 18, 2017, hinatulan ng guilty si Vice Mayor Borja Jr. sa 2 counts of rape at ang parusa ay panghabambuhay o apat na pong taong pagkakulong.

Sa panayam kay Attorney Minnie Lopez ng Gabriela, emosyonal umano si “Mina” ng basahin ni Judge Leo Cecilio D. Bautista ng Regional Trial Court Branch 38 sa San Jose City ang hatol kay Pantabangan Ex-Vice Mayor Borja Jr. dahil nabigyan na aniya ng hustisya ang dalawang taong pang-aabuso na dinanas nito sa kamay ng dating Bise Alkalde.

Dagdag ni Atty. Lopez, matapos mabasahan ng hatol ay agad na ililipat si Borja Jr., sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City na nakadetain sa Bureau of Jail Management and Penology sa San Jose City District Jail.

Ipinag-utos din ng hukuman na pagbayarin si Borja Jr. ng isang daang libong piso para sa civil indemnity at isang daang libong piso para naman sa moral damages kay “Mina”, gayundin ang pagbibigay ng suporta sa naging bunga ng pangagagahasa sa biktima.

Ayon kay Gabriela Women’s Partylist Representative Emmi De Jesus, si “Mina” ay maglalarawan sa kalagayan ng mga kababaihang pinagsasamantalahan ng mga taong makapangyarihan sa lipunan.

Dagdag ni De Jesus, ang kaso ni “Mina” ay patunay na dapat mapanagot ang mga may kapangyarihan na gumagawa ng karahasan sa kabila ng mabagal na proseso ng hustisya sa bansa.

Taong 2011 nang isampa ang kaso ng pamilya ni “Mina” na noo’y labing pitong taong gulang pa lamang laban kay Borja dahil sa umano’y pang-aabuso ng huli sa biktima simula October 2009 hanggang April 2010 na noo’y yaya ng panganay na anak ni Borja.

Sa 22 counts of rape na isinampa ni “Mina” laban sa akusadong si Borja Jr., dalawa dito ang tinanggap ng korte habang ang dalawampo ay ibinasura dahil sa kakulangan ng mga ebidensya.

Hinatulan ng guilty si Borja sa dalawang kaso ng rape na nangyari noong October 23, 2009 sa kwarto habang natutulog ang inaalagaan nitong panganay na anak ng akusado na noo’y konsehal pa lamang ng bayan kung saan pwersahan itong nakipagtalik sa biktima.

Sumunod ay noong March 23, 2010 na nangyari sa loob din ng tahanan ng akusado kung saan naging kasabwat ang body guard nito na siyang nagtetext sa biktima.

Pagkatapos lumutang ni “Mina” na biktima ng pang-aabuso ay sumuporta na ang Gabriela Women’s Partylist mula sa pagbibigay ng mga abogado at naglaan ng pondo bilang suporta sa biktima.—Ulat ni Jovelyn Astrero