Inaprubahan ng Sangguniang Bayan (SB) ng Gabaldon na sa mga magsasaka ng kanilang bayan mapupunta ang Isang milyong pisong financial assistance na ipinagkaloob ng lungsod ng Muntinlupa.

Sa deliberasyon ng SB, kasama ang mga Kapitan ng Barangay at ang Punong Bayan, iminungkahi nina Konsehal Arden De Vera at Mayor Rolando Bue na ilaan sa mga magsasaka ang naturang pondo.

Hiniling ni Bue, na makasama siya sa deliberasyon ng financial assistance upang lalong matutukan ang paggagamitan ng pondo.

Ang pondo ay iuukol sa pambili ng mga pataba na libreng ipapamahagi sa daan-daang magsasaka ng kanilang bayan, na labis na naapektuhan sa mga nagdaang sunod-sunod na bagyo.

Ilan sa mga magsisibuyas sa bayan ng Gabaldon, na pangunahing hanapbuhay ng mga residente doon.

Ilan sa mga magsisibuyas sa bayan ng Gabaldon, na pangunahing hanapbuhay ng mga residente doon.

Ang magsasaka umano ang isa sa pinaka-kawawa dahil kabuhayan ng mga residente ang sinira ng kalamidad. Isa umano ito sa mga paraan ng pamahalaan upang matulungan na muling makabangon sa pagkalugi ang kanilang mga mangagawang bukid.

Bukod sa agrikultura, prayoridad din ng mga namumuno ang pagtatayo ng relocation site, rehabilitation and flood control, pagbibigay ng construction materials at pabahay sa mga nawalan ng tirahan.

Hiling ng Pangalawang Punong Bayan na pagkakaisa ang kailangan ngayon ng kanilang bayan at hindi ang sisihan.- Ulat ni Danira Gabriel