Isang programa patungkol sa Sining, Musika at Kultura ang isinagawa ng SM Megacenter, Cabanatuan City bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika isang daan at labing syam na taon ng Araw ng Kasarinlan ng mga Pilipino.
Ganap na alas nueve ng umaga ng itaas ang Watawat ng Pilipinas kasabay ng pag-awit ng Lupang Hinirang, kasunod ang isang programa kung saan ibinida nila ang kanilang Center Piece na kalapati.
Ayon kay Assistant Mall Manager Joanne Bondoc, ang Kalapati ay may katangian na sumasagisag sa dedikasyon, determinasyon, paghihirap at kabanata sa buhay ng bawat Pilipino na patuloy na lumalaban upang pagtibayin ang kalayaan.
Nagsilbing Panauhing Pandangal si Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali sa naturang pagtitipon, kasama ding dumalo ang ilan sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod tulad ni Konsehal Nero Mercado.

Nakiisa sina Cabanatuan Vice Mayor Anthony Umali (kanan) at Konsehal Nero Mercado
sa pagdiriwang ng ika-119 taon ng Araw ng Kalayaan ng SM Megacenter.
Sa talumpati ni Vice Mayor Umali ay sinabi nito na hindi lamang ang katapatan, katapangan at pagmamahal ng mga bayaning tulad nina Jose Rizal, Emilio Jacinto, Andres Bonifacio, ang dapat na gunitain at dakilain kundi maging ang mga ambag ng mga bayaning Novo Ecijano na naging bahagi ng kasaysayan, tulad nina Pantaleon Valmonte, Manuel Llanera, Alipio Texon, Manuel Tinio, Isauro Gabaldon, Epifanio Delos Santos, at iba pa. – Ulat ni Jovelyn Astrero