Sama-samang ipinagdiwang ng mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan at ahensya ng gobyerno sa Nueva Ecija ang ika-isandaan at labing siyam na taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Sa harap ng lumang kapitolyo sa Cabanatuan City, ginunita ang makasaysayang proklamasyon ni Heneral Emilio Aguinaldo nang paglaya ng ating bansa mula sa pananakop ng Espanya na ginanap sa kanilang tahanan sa Kawit, Cavite noong June 12, 1898.

Ang pagtatanghal ng mga estudyante ng Nueva Ecija National High School sa pagdiriwang ng ika-119 na taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Tampok na pangyayari noon ang paglaladlad ng watawat ng Pilipinas na ginawa sa Hongkong nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herboza at ang pagtatanghal ng Marcha Filipina Magdalo na isinulat ni Julian Felipe at itinugtog ng San Francisco de Malabon Marching Band na ngayon ay Lupang Hinirang at tinaguriang pambansang awit.

Sa mensahe ni Governor Czarina Umali na binasa ni Provincial Administrator Alejandro Abesamis, ipinahayag nito ang pagkilala sa pagsasakripisyo ng ating mga bayani na lumaban sa pang-aalipin ng mga banyaga.

Hinikayat ni Gov Cherry ang mga kapwa lingkod bayan na magserbisyo ng matapat at may kababaang loob sa mamamayan at mamahala ng gobyernong may malasakit at handang magsakripisyo para sa mas maunlad na lalawigan.- ulat ni Clariza de Guzman