Pinuna ni Vice Mayor Anthony Umali ang pagtumal ng mga tala ng Agenda sa mga Regular Session ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan.
Ayon sa Bise Alkalde, tila dumadalang na ang paghain ng mga panukalang Ordinansa at Resolusyon ng mga Konsehal. Kaya naman hinikayat nito ang mga miyembro ng Sanggunian na magpasa at magpanukala ng mga batas sa kapakinabangan ng Cabanatueño.
Mayroong dalawampu’t isang Committee sa Sanggunian, na nakatalaga sa bawat Konsehal at iilan lamang dito ang aktibong naghahain ng panukala.
Dagdag pa ni Umali, nangangalahati na ang taon ngunit nasa walong panukalang Ordinansa at tatlong panukalang Resolusyon pa lamang ang naipapasok ng mga konsehal sa Session.
Sa inihaing walong ordinansa at tatlong resolusyon, dalawa pa lamang umano dito ang naipapasa habang ang mga natitira ay nakabinbin pa.
Ang pagbuo ng Research Team ang naiisip na solusyon ng Bise Alkalde upang matulungan ang mga miyembro ng Sanggunian na magbuo ng mga batas na lulutas sa mga kakulangan at pangangailangan ng mamamayan. – Ulat ni Danira Gabriel