Si DSWD Usec. Hope Hervilla asa panayam ng Balitang Unang Sigaw.

Si DSWD Usec. Hope Hervilla asa panayam ng Balitang Unang Sigaw.

   Makaraan ang apat na taong pananawagan, nakatanggap ng ayuda mula sa National Government ang mahigit 3,000 kasapi ng Liga ng Manggagawang Bukid ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng Food for Work Program ng Department of Social Welfare and Development.

   Nakatanggap kamakailan ng 6, 570 food packs galing sa DSWD ang 3, 287 beneficiaries; 2, 848 nito ang mula sa bayan ng Guimba, at 439 ang sa Cuyapo. Bukod pa rito ang 160 cavans of rice na nalikom ng Radyo Natin-Guimba mula sa mga sponsors ng kanilang Operation Damayan Pamaskong Handog.

   Ayon kay Jose Gamay, tagapangulo ng Liga ng Manggagawang Bukid, ang mga pagkaing ipinamahagi sa kanila ay tugon ng DSWD mula sa kanilang pakikipag-dialogue partikular kay Secretary Judy Taguiwalo, tungkol sa kanilang problema.

Sa ilalim ng Food for Work Program ng DSWD ipinamahagi ang 3,287 food packs sa Liga ng Magbubukid sa Nueva Ecija.

Sa ilalim ng Food for Work Program ng DSWD ipinamahagi ang 3,287 food packs sa Liga ng Magbubukid sa Nueva Ecija.

   Ilang taon na kasing nagdurusa sa kagutuman ang libu-libong manggagawang bukid sa lalawigan na naaagawan ng hanap-buhay ng tinaguriang “halimaw” na reaper/ harvester,  ngunit hindi umano dinidinig ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang kahilingang livelihood program, rice subsidy, at regulation ng pagpapapasok ng halimaw sa mga bayan at lungsod.

   Sa panayam kay DSWD Undersecretary Hope Hervilla, sinabi nito na sa ilalim ng Food for Work Program ay magtatanim ng gulay at iba pang pananim sa kanilang mga bakuran at bakanteng lote ang mga manggagawang bukid kapalit ng bigas, mga de lata, at kape na makukonsumo sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.

   Paliwanag ni Usec. Hervilla, pansamantala lamang ang tulong na naipagkaloob nila sa mga manggagawang bukid. Ang tunay aniyang solusyon sa kanilang kagutuman ay ang pagkakaroon ng sariling lupang masasaka, mabigyan ng trabaho, at paglaanan ng subsidyo ng gobyerno para sa agrikultura.- ulat ni Clariza de Guzman