Pasok na sa semi finals ng 2nd Inter-Town Basketball Tournament ang team ng San Isidro at Muñoz, sa naganap na laban noong August 6, 2017 sa Municipal Gym ng Gapan City, Nueva Ecija.

Sa paghaharap ng Jaen at San Isidro noong linggo, inungusan kaagad ng walong puntos ng team San Isidro ang koponan ng Jaen sa first quarter pa lamang ng laro sa score na 29-21.

Pagdating ng second quarter ay hindi pinabayaan ng team San Isidro na mabawasan ng kalaban ang kalamangan ng kanilang koponan, nagtapos ang second quarter sa score na 53-44.

Sa 3rd quarter ng laro ay bumaba na lamang sa anim na puntos ang kalamangan ng team San Isidro kontra sa team Jaen sa score na 76-70.

Sinubukan mang habulin ng team Jaen ang kalamangan ng katunggali ay nanaig pa rin ang lakas at liksi ng team San Isidro at nagtapos ang laro sa score na 111- 102, pabor sa San Isidro.

Sumunod na sumalang sa basketball court ang team Muñoz kontra sa team San Jose, sa unang bahagi ng laro ay halos ayaw maghiwalay ng score ng magkatunggaling koponan dahil sa tindi ng opensiba at depensa ng bawat team.

Ngunit sa pagtatapos ng first quarter ay lumamang pa rin ng limang puntos ang team Muñoz sa score na 28-23.

Sinikap mang humabol ng team San Jose sa 2nd at 3rd quarter ng laban ay hindi pa rin nila nabawi ang kalamangan ng team Muñoz, ngunit sa huling bahagi ng laro ay nagawa pa ring mapababa ng team San Jose sa tatlong puntos ang lamang ng Muñoz sa score na 97-94.

Ayon kay Julius Carlo Soriano, captain ball ng Muñoz, puspusan ang ginawa nilang training para mapaghandaan ang laban nila at makasama sa Semi Finals ng 2nd Governors Cup Inter town Basketball Tournament ng Pamahalaang Panlalawigan,  at sisikapin nilang  makapasok hanggang sa finals.

Nagpasalamat ito sa lahat ng mga sumusuporta sa kanila at lalong lalo na kay Governor Czarina “Cherry” Umali at kay Vice Mayor Anthoniy Umali.

Samantala,  abangan sa darating na sabado ang pagsasalpukan ng apat na pambatong koponan ng hilaga at timog, makikipag gitgitan sa loob ng court ang bayan ng Cabanatuan katapat ang bayan ng San Antonio at ang bayan ng Talavera kontra sa koponan ng Rizal.

Ang dalawang koponan na mananalo ay siyang aabante at mapapasama para makumpleto na ang mga manlalaro sa Semi Finals ng 2nd Inter town Basketball Tournament 2017.