Simula noong nakaraang Biyernes, November 2, 2018, ay ipinatupad na ng LTFRB o ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa NCR, Region III at Region 4 ang pisong dagdag pasahe sa mga pampasaherong jeepney sa unang apat na kilometro ng kanilang byahe.
Sa ginawang pag-iikot ng Balitang Unang Sigaw sa mga terminal dito sa Cabanatuan ay napag-alaman na hindi pa nakakasingil ang mga tsuper ng dagdag pasahe dahil bukod sa hindi pa sila nakakakuha ng taripa ay hindi pa alam ng iba ang tungkol sa pagtaas ng minimum fare.
Nagdesisyon ang LTFRB na mag-umento sa pasahe dahil sa matinding epekto sa mga tsuper ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petroleum products at presyo ng mga bilihin at spare parts kaya napapahon anila ang bagong dagdag pasahe.
Mula sa dating siyam na piso ay ginawa nang sampung piso ang minimum fare sa mga jeep pero mahigpit na ipinatutupad ng LTFRB ang ‘no fare guide-no fare increase’ policy.
Ibig sabihin ay hindi pwedeng maningil ng dagdag pasahe ang mga driver kung walang fare matrix na nakapaskil sa kanilang mga sasakyan dahil ito ang magiging batayan ng mga pasahero kung magkano ang kanilang ibabayad hanggang sa isang partikular na lugar.
Hindi naman inaprubahan ang hiling ng mga transport group na dagdag dalawang piso na singil sa succeeding kilometer dahil sa kawalan ng basehan.
Sa kabila ng pag-iimplementa ng dagdag pasahe sa NCR, ang mga jeepney drivers dito sa lalawigan ay nanatili pa rin sa siyam na piso ang kanilang singil sa pamasahe dahil wala pa umanong nakakakuha sa kanila ng taripa.
P520 ang kailangang bayaran para sa Certificate of Public Conveyance ng isang operator at karagdagang 50 pesos naman sa bawat unit ng jeep para sa kopya ng matrix.
Nang amin namang tanungin ang isang pangkarinawang namamasada, ikinuwento nito na sa isang pangkaraniwang tsuper na buma-boundary lang sa jeepney ay P300 – P600 ang kita nito sa isang araw pwera na rito ang boundary nila na P800 at diesel at pag nakapagtaas na sila ng minimum fare ay madadagdagan ng humigit kumulang P200 ang kanilang kita sa isang araw.
Para sa mga driver ay makakatulong ang dagdag pasahe na ito sa kanilang kabuuang kita lalo at mataas ang presyo ng mga bilihin at ang maintenance ng mga jeep sa kabila ng tatlong linggong sunod-sunod na pag-roll back ng mga produktong petrolyo habang dagdag pasanin naman sa mga pasahero ang fare hike na ito ng mga jeep sa lalawigan. –Ulat ni Jessa Dizon