Itinuro ang mga mahusay na pamamaraan upang maging matagumpay na negosyante sa isinagawang seminar ng Department of Trade and Industry (DTI) Nueva Ecija, na ginanap sa Cabanatuan City.
Ayon kay Richard Simangan ng DTI-NE, layunin ng pagtitipon na malinang ang kagalingan ng mga Novo Ecijano pagdating sa pamamahala ng negosyo.
Nagsilbing panauhing tagapagsalita ang isa sa matagumpay na negosyante sa bansa at motivational speaker na si Paulo Tibig. Aniya, malaking bagay ang pagkakaroon ng mahusay at masinsinang pag-pa-plano bago pumasok sa kahit anong klaseng negosyo.
Ilan pa sa kaniyang mga tips sa paghawak ng negosyo ay ang pagkakaroon ng diskarte, maging kakaiba sa karamihan, umisip ng mga papatok sa merkado, tumingin ng mga makabagong paraan upang tangkilikin ng mga mamimili, palawakin ang mga kagamitan na maaari pang mapakinabangan, gumamit ng teknolohiya, magtipid, huwag palagpasin ang mga oportunidad, maging mahusay sa pakikisama bilang isang negosyante at ang huli, matutong magbahagi sa mga nangangailangan mapa-materyal na bagay o kaalaman man.
Ito ay dinaluhan ng mahigit isang daang Micro Small-Medium Enterprises (MSMEs) at mga estudyanteng mula sa Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) at College for Research and Technology (CRT).
Sa kasalukuyan ay may niluluto pang mas malaking aktibidad ang DTI-NE para sa mga negosyante ang Small and Medium Enterprise (SME) Summit na itatakda sa buwan ng Disyembre.
Para sa karagdagang impormasyon, pumunta lamang sa mga Go Negosyo Centers sa lalawigan na matatagpuan sa Cabiao, San Jose City, Gapan City at ang malapit ng ilunsad na Go Negosyo Center sa Palayan City. -Ulat ni Danira Gabriel