Nakaupo na muli sa posisyon si Mayor Imee De Guzman kasunod ng implementasyon ng Order of Reinstatement ng DILG na may petsang February 21, 2019 na pirmado ni Provincial Director Julie Daquioag kalakip ang memorandum na ibinaba noong February 15, 2019 ni Local Government Undersecretary Marivel Sacendoncillo sa pamamagitan ng awtoridad ni Secretary Edwardo Año
Ang Order ng DILG ay alinsunod sa reversal o pagbaliktad o pagsasantabi ng Ombudsman sa na unang desisyon sa kaso ni Mayor De Guzman na Anti – graft laws at Grave misconduct na isinampa ni Vice Mayor Gregand Andres.
Ilan lang sina Liwayway Cariaga at Ronaldo Esposo sa mga empleyado ng Munisipyo ng Sto. Domingo na tuwang – tuwa sa pagbabalik ni Mayora sa paglilingkod.
Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Mayor Imee, sinabi nito na uunahin nyang ayusin ang problema sa budget ng Lokal na Pamahalaan upang masimulan na ang mga nabinbing proyekto sa Sto. Domingo.
Ngayong nakabalik na umano siya sa pwesto ay kailangang magkaroon ng pagkakaisa at pagtutulungan para maging maayos ang kanilang bayan.
Kwento ni Mayor De Guzman noong una ay nagdududa pa si Vice Mayor Andres na peke ang reversal ng desisyon sa kanyang kaso subalit ng ipaliwanag dito ni Nueva Ecija DILG Provincial Director Renato Bernardino ay kusa na itong bumaba sa pwesto.
Ngunit nabalitaan niya na may palno pang magsampa ng kaso si Andres sa ilang opisyales ng DILG na namahala sa pagpapababa sa kanya bilang Alkalde. Ulat ni : Joice Vigilia/ Clariza De Guzman