Umakyat ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Nueva Ecija patungong Benguet upang tumulong sa paghahanap sa mga natabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet, kahapon, September 19, 2018.

Sa panayam namin sa telepono kay PDRRMO Michael Calma, base na rin sa inisyatiba ni Gov. Czarina “Cherry” Umali ay malugod na pumayag ang tanggapan na makatulong sa retrieval operation sa Itogon landslide.

Dagdag ni Calma, laging handa ang Pamahalaang Panlalawigan na tumulong sa mga sitwasyon na kagaya ng search and recovery operation.

Aniya, nagpadala ang pamahalaan ng siyam na trained personnel na may bitbit na Personal Protective Equipment (PPE).

Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa labing siyam na umanong bangkay ang narekober habang pinangangambahan na mahigit limampu ang nailibing ng buhay at patuloy na pinaghahanap sa landslide na iniwan ng bagyong ompong.

Sa pahayag ni Itogon Mayor Victorio Palangdan, pahirapan ang isinasagawang retrieval operation dahil manu-mano ang ginagawa ng mga response unit.

Samantala, bukod sa team ng PDRRMO, ay kasama rin nila ang Mobile Kitchen ng Provincial Government upang maghatid ng libreng serbisyo sa malawakang operasyon sa Benguet.

Inaasahan na limang araw na mamalagi ang grupo sa Benguet.

Hangad ng Pamahalang Panlalawigan na lubos na makatulong at magbigay ng malasakit sa mga biktima ng landslide. –Ulat ni Danira Gabriel