Nagbigay ng panibagong excitement sa mga mamamayan ng Bayan ng Cuyapo ang pagkakaroon ng Zipline sa Mount Bulaylay na nasa Brgy. Maycaban ng naturang bayan, na inaasahang darayuhin ng mga turista.
Ayon kay Municipal Tourism Officer Eric Dallo, bundok lamang ang resources na maaaring maidevelop upang maging Tourist Attraction sa kanilang bayan kaya naisipan nilang maglagay ng Zipline na makatutulong upang makilala ang kanilang lugar.
Kamakailan ay pinasinayaan na ang Zipline kasabay ng test run ng mga equipment at personnel kung saan ang grupo ng mga nanalong Binibini at Ginoong Cuyapo, mga kawani ng Lokal na Pamahalaan, ilang mamamayan ng naturang lugar, at kapulisan ang mga nauna nang sumubok sa pagsakay dito.
Hindi naitago ng first timer na si Bb. Cuyapo Tourism 2016 Paula Frayna, ang kasiyahan sa pagsakay sa Zipline dahil hindi aniya nito akalain na sa sariling bayan mararanasan ang kakaibang adventure na hatid ng Zipline.
Sa pangalawang pagkakataon ay muli namang nadama ni Bb. Cuyapo First Runner Up Justine Gilson ang magkahalong kaba at excitement sa pagsakay sa Zipline at aniya bawat pagsakay dito ay panibago at kakaibang karanasan pa rin para sa kanya.
Kabilang din sa mga sumubok sa Zipline ay ang limang taong gulang na si Alexia Carasco kasama ang kanyang pulis na tiyahin, na hindi kakikitaan ng anumang takot o pangamba sa pagsakay dito.
Mararating ang ituktok ng Mount Bulaylay ng labing lima hanggang dalawampung minuto mula sa Town Proper sakay ang motorsiklo o tricycle.
Aabot sa mahigit kalahating kilometro ang haba ng Zipline at may taas na 70 hanggang 80 meters mula sa kalsadang daraan paakyat ng naturang bundok.
Bagaman hindi pa fully developed ang lugar at marami pang dapat isaayos ay maaari ng buksan sa publiko ang Zipline anumang araw upang ma-enjoy ang adventure sa pagsakay dito.
Hinikayat naman kapwa nina Frayna at Tourism Officer Dallo ang mga adventurer sa loob at labas ng Lalawigan na tunguhin ang Bayan ng Cuyapo upang maranasan ang kakaibang excitement dulot ng pagsakay sa Zipline.