
Umaabot sa mahigit Php 3M ang natangay ng mga magnanakaw sa JEBCOR Capital Lending Corporation.
Tumataginting na mahigit tatlong milyong pisong halaga ng pera ang naitakbo ng tatlong armadong kalalakihang nangholdap ng isang Punong Barangay sa bayan ng Zaragoza.
Kinilala ang biktimang si kapitan Benigno “Benny” Almayda y Mallari, 45-anyos, may asawa, ng barangay Pantoc, Zaragoza.
Ayon sa salaysay ni kapitan Benny Almayda, bandang alas dose dyes ng umaga ng lumabas siya ng opisina ng JEBCOR Capital Lending Philippine Corporation na katabi ng kanilang bahay upang tignan kung tulog o gising ang kanyang anak sa kwarto nito.
Pagbalik umano niya ng opisina ay ipinagpatuloy niya ang kanyang ginagawa, ngunit bigla na lamang pumasok ang tatlong suspek na mga naka-bonnet at armado ng maiikling baril.
Tinutukan aniya siya ng baril ng mga suspek at inutusang buksan ang vault.
Matapos makuha ang Php 548, 000.00 at $55,000.00 na laman ng vault ay itinali siya ng wire ng mga kawatan at tsaka tumakas ang mga ito.
Dagdag ng biktima, nagsindi ng sigarilyo ang isa sa mga suspek at itinapon ito sa mga nakasalansan na dokumento kaya nasunog ang maliit na bahagi ng gusali.
Natuklasan sa imbestigasyon na nagawang makapasok ng mga suspek dahil naiwang nakabukas ang gate.

Natagpuan ng kanyang nakatatandang kapatid si Ramir Macaso na isa ng naagnas na bangkay.
San Jose City- Hindi sukat akalain ng isang lalaki na matatagpuan nyang naaagnas ng bangkay ang nakababatang kapatid sa sarili nitong tahanan sa barangay Abar First, San Jose City.
Kinilala ang biktimang si Ramir Macaso y Graza, 49-anyos, may-asawa, residente ng Zone 2-A ng naturang barangay.
Base sa ulat ng pulisya, nagtungo si Cezar Macaso sa bahay ng kanyang kapatid na si Ramir upang gamitin ang jeep na nakaparada sa tahanan nito.
Nagulat na lamang umano siya ng matuklasan ang wala ng buhay na kapatid na nakahandusay sa harap ng pinto ng bahay nito.- ulat ni Clariza de Guzman.