Ini-release na sa Ika-labinsiyam na Regular Session ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang kontrata ng Medical Consultants ng City Hospital sa anim na buwan nilang serbisyo sa City Government na may petsang January 1 – June 30, 2018.

Matapos na dumalo ang hepe ng City Hospital na si Doc Bing Joson at mangako na ibibigay ang mga dokumento na matagal ng hinihingi ng Sanggunian na naglalaman ng lawak o hangganan na ibinibigay na libreng serbisyo ng mga kasangguni sa mga pasyente ng lungsod.

Ang pagdalo ni Joson ay bunsod ng imbitasyon ni Vice Mayor Anthony Umali sa una upang maproseso ang naantalang kontrata.

Aniya, matagal ng naghihintay ang Sanggunian na asikasuhin ng Committee on Good Government, Public Ethics and Accountability ang mga hinihinging papeles, ngunit wala pa ring aksyon. Kaya’t minarapat ng Bise Alkalde na sulatan ang hepe ng ospital upang maresolba ang nakatenggang kontrata.

Dagdag pa na personal na ring nakiusap si Mayor Jay Vergara kay VM Umali na i-release ang kontrata.

Bagamat hindi pa hawak ng Sanggunian ang mga dokumento ay umaasa ang kapulungan na tutupad si Joson at hindi magagaya sa pangakong napako ng ibang department heads na malimit na nangyayari.

Pagbibigay linaw ni Umali na hindi siya ang dapat sisihin sa pagkaantala ng kontrata kundi ang humahawak na komite ang may kakulangan sa pagganap ng kanilang trabaho.

Nalalapit na ulit ang pagre-renew ng kontrata ng mga doktor sa darating na huling anim na buwan ng taon. Payo ng Bise Alkalde, igayak at kompletuhin na ang mga dokumento upang madaling maiproseso ng Sanggunian. –Ulat ni Danira Gabriel