
DILG Prov’l Dir. Abe Pascua believes that suspended Mayor Rey Cachuela will eventually step down from his office.
Hindi na umano kailangang mamamagitan o makialam ng mga otoridad sa sitwasyon ngayon sa bayan ng Talugtog.
Ito ang ipinahayag sa Balitang Unang Sigaw ni Nueva Ecija DILG Provincial Director Abraham Pascua sa kabila ng pananatili ni Mayor Reynaldo Cachuela sa Office of the Municipal Mayor matapos na ipatupad ng Department of Interior and Local Government ang order na tatlong buwang preventive suspension ng Office of the Ombudsman para sa mga kasong dishonesty, abuse of authority, at grave misconduct na kinasangkutan nito at limang Sangguniang Bayan Members.
Ayon kay DILG Provincial Director Abe Pascua, maayos nilang nai-serve ang kautusan kay Mayor Rey Cachuela at mga SB members na sina Flora Cinense, Maximo Ancheta, Maximo Ulzano, Philip Bilgera, at Leo Monta.
Dahil naitalaga namang acting Mayor si Vice Mayor Benjamin Gamit Jr. at acting Vice Mayor si Konsehal Alberto Dante Estillore ay nasa mga kamay na aniya nila na paalalahanang kailangang lisanin ni Mayor Cachuela ang kanyang opisina dahil sa nasabing kautusan ng Ombudsman.
Ipinapataw ang preventive order upang maiwasan na magamit ng halal na opisyal na kinasuhan na makapanira ng mga dokumento, manakot ng mga testigo, at maimplwensyahan ang ginagawang imbestigasyon sa kaso.
Naniniwala si Director Pascua na hindi magtatagal ay kusang bababa sa kanyang tanggapan ang suspendidong alkalde ng Talugtog maliban na lamang kung makakakuha ito ng relief o remedyo mula sa inihaing Motion for Reconsideration sa Ombudsman.- ulat ni Clariza de Guzman