Libreng kasal ang inihandog ni Mayor Nerivi Santos-Martinez ng bayan ng Talavera sa apatnapu’t tatlong magkapareha sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan noong Lunes, July 15, 2019.
Sabay-sabay na nagpalitan ng matamis na “I do” sa harap ng kanilang pamilya, kamag-anak at kaibigan ang mga magkasintahan na nag-isang dibdib sa Kasalang Bayan na ginanap sa Municipal Gym sa bayan ng Talavera.
Sa aming panayam kay Mayor Martinez, taun-taon ay itinatapat niya sa birthday niya ang kasalang bayan para maging makabuluhan ang kaniyang selebrasyon gayundin ay maging memorable sa bawat nagpapakasal ang kanilang anibersaryo dahil kasabay ito ng kanyang kaarawan.
Ilan sa mga nag-isang dibdib ay sina Ronnie Palilio, isang magsasaka at Vangeline Nosillas na maybahay nito na sampung taon nang nagsasama pero dahil sa kakulangan sa budget ay hindi makapagpakasal.
Malaki naman ang pasasalamat nina Gishelle Britos at Richard Ken Valdez, may isa nang anak at dalawang taon nang nagsasama dahil natupad na ang pangarap nila na maging legal ang kanilang pagsasama.
Dumalo rin sa nasabing kasalan sina Vice Mayor Anselmo Rodiel III at ang walong konsehal ng bayan na naghandog naman ng libreng cake para sa bawat pares na nagpakasal.
Mensahe ni Mayor Martinez sa mga nagpakasal, gawing sentro ng relasyon ang Panginoon para maging matagumpay ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa.
Samantala, bukod sa kasalang bayan ay masaya ring tumanggap ng Local Government Unit funded local pension para sa second quarter ng taon ang mahigit isanlibong senior citizens sa naturang bayan.
Bilang bahagi pa rin ng selbrasyon ng kaarawan ng alkalde ay nagsagawa naman ng Job Fair sa NEUST-MGT Talavera para sa mga mamamayan ng Talavera na kasalukuyang naghahanap ng trabaho. –Ulat ni Jessa Dizon