Matagumpay na idinaos ang kauna-unahang Vice Mayors League of the Philippines (VMLP) at Philippine Councilors League (PCL) Joint Leadership Summit na dinaluhan ng halos anim na raang deligado mula sa Pitong Lalawigan ng Gitnang Luzon na ginanap noong September 14-15 sa Aklan, Boracay.
Ang naturang Summit ay inisyatibo nina VMLP National Vice President at Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali at PCL Regional Chairman at Santa Rosa Councilor Macoy Matias na pawang mga tubong Novo Ecijano.
Layunin nitong lalong mapaigting at mapaghusay ang samahan ng mga Bise Alkalde at Konsehal tungo sa makataong paglilingkod sa mga mamamayan sa Rehiyon.
Tinalakay sa ikalawang araw ang Federalismo, bilang altenatibong porma ng pamahalaan na isinusulong ng Administrasyong Duterte.
Ayon kay Speaker Atty. Genaro Moreno, Former Director ng Legal Service ng Deparment of the Interior and Local Government (DILG), walang dapat ikalito o ipangamba sa Federalismo dahil natatanging ang Congress lamang ang mababago kapag ito ay naipatupad.
Sa ganitong klaseng pamamahala, ang bawat estado (state) ay may sariling pamahalaan na may kalayaan mula sa Central o ‘yung Federal na pamahalaan.
Aniya, mas pokus ang magiging sistema ng paggawa ng batas sa Federalismo.
Pinag-usapan din sa Seminar, kung paano hihilumin ang hindi maiwasang pagkakaiba ng paniniwala at sigalot na mayroon ang mga Bise Alkalde at Konsehal sa loob ng sanggunian na hindi maisasakripisyo ang kanilang tungkulin bilang mga lokal na mambabatas.
Nanawagan din si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Environmental Management Bureau Regional Director Lormelyn Claudio, na tulungan ang kanilang ahensiya sa mahigpit na implementasyon ng Solid Waste Management.
Bilang tanda ng pakikiisa ay lumagda sa Environmental Compliance Commitment sina Vice Mayor Umali, Konsehal Matias at Regional Director Claudio sa hangarin ng DENR na maisakatuparan ang mga batas na tumatalakay sa maayos na pagtatapon ng mga basura.
Labis naman ang katuwaan ng mga deligado sa oportunidad na ipinagkaloob sa kanila dahil aniya marami silang natutunan sa dalawang araw na Seminar.
Pasasalamat din ang ipinahayag ng VMLP National Vice President, sa pagdalo ng mga kapwa Local Legislative Body. Lalo na ang buong suporta ng kaniyang mga Konsehal sa Lungsod ng Cabanatuan.
Aniya, dito naipapakita na hindi dapat maisa alang-alang ang kapakanan ng taong bayan sa kulay ng politika na kanilang kinabibilangan.
Maituturing na ngang nakaguhit sa kasaysayan ang pagsasama ng dalawang liga. Kaya naman, dahil sa tagumpay na ito ay ikinakasa na ang Ikalawang Joint Summit na posibleng gawin sa susunod na taon. –Ulat ni Danira Gabriel