2Inilunsad na kahapon ng (BSP) Bangko Sentral ng Pilipinas ang (NECSF) Nueva Ecija Credit Surety Fund na naglalayong makatulong sa mga mamumuhunan at ilang organisasyon o kooperatiba sa lalawigan pagdating sa pinansyal na aspeto.

Ang Credit Surety Fund (CSF) Program ay isang makabagong mekanismo sa pagpapautang na direktang tutugon sa hinaing ng mga maliliit na negosyante na hindi makautang sa bangko dahil sa kawalan ng kolateral o pangsangla.

Magsisilbing kolateral ng mga mangungutang ang kontribusyon mula sa ilang kasaping kooperatiba, lokal na pamahalaan, (DBP) Development Bank of the Philippines, (LBP) Land Bank of the Philippines, at ang (IGLF) Industrial Guarantee and Loan Fund.

3Sabay-sabay na pumirma ng (MOA) Memorandum of Agreement ang mga opisyal ng BSP kasama ang Provincial Government sa pangunguna ni Nueva Ecija Gov. Oyie Umali at  23 mga chairman at manager ng kooperatiba mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.

Ayon kay BSP Monetary Board Member Felipe M. Medalla, maswerte ang Nueva Ecija sa pagkakaroon ng ganitong klase ng programa na siyang makatutulong upang mas tumaas pa ang antas ng pamumuhay sa probinsya.

Dagdag pa ni Medalla, malaki ang ginagampanan CSF na kasalukuyan ay umaagapay at aagapay pa sa mga mamamayan ng 40 lalawigan sa bansa kabilang na ang Nueva Ecija.

4Dahil dito, lubos ang pasasalamat ni Gov. Umali sa BSP at iba pang mga ahensya na patuloy na tumutulong sa Nueva Ecija aniya, isang katuparan ng pangarap para sa kaniya ang mailapit sa kaniyang mga kababayan ang ganitong klase ng programa.

Kasunod nito ipinagmalaki ng gobernador ang mga Novo Ecijano na may dignidad, responsible at may disiplina.

Dagdag rin ni Gov. Oyie na hindi nawalan kailanman ng pag-asa ang pamahalaang panlalawigan na mabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng maraming investors o mamumuhunan lalo pa nga at noong mga nagdaang dekada ay isa ang Nueva Ecija sa mga lugar na may pinakamalaking pagkakautang. -Ulat ni MARY JOY PEREZ