Nagsimula na noong nakaraang Linggo ang Free Summer Sports Clinic Caravan 2015 sa pagbibigay ng libreng serbisyo sa mga kabataang Novo Ecijano.

Ito ay programa ng Provincial Government at Sports And Youth Development Services sa pangunguna nina Governor Aurelio Umali, Congresswoman Cherry Umali at Doc Anthony Umali.

Layunin nito na makapagbigay sa mga kabataang Novo Ecijano, na may edad kinse pababa, ng libreng training sa iba’t ibang klase ng isports tulad ng basketball, badminton, swimming, table tennis, baseball, volleyball, taekwondo, archery, chess, boxing, at football.

Bukod pa rito, layunin din nito na maengganyo ang mga kabataan sa mundo ng sports para sa kanilang magandang kalusugan at para mailayo na rin sila sa mga masasamang bisyo.

Isa ang bayan ng Sta. Rosa sa binigyan ng libreng serbisyo ng Sports Clinic Caravan noong nakaraang Linggo kung saan itinampok ang basic training sa larong badminton at basketball.

Ayon kay Ruben Archie Esquejo, Municipal Administrator ng Sta. Rosa, malaking bagay ang sports clinic caravan na ito sa kanilang munisipalidad lalong lalo na sa mga kabataan.

Sa pagbisita ng caravan, kitang kita ang kasabikan at dedikasyon ng mga kabataan na matuto ng iba’t ibang klase ng sports.

Isa na rito si Marc Rainier Encarnacion ng Brgy. Gomez Sta Rosa na dumalo upang matutong maglaro ng basketball. Ayon sa kanya, pangarap niyang maging isang basketbolista. At dahil sa libreng training na ipinagkaloob sa kanila ay natututunan na niya ang tamang paglalaro ng kinahihiligang sport.

Samantala, abangan ngayong Linggo April 20-24 mula alas nuebe ng umaga hanggang alas singko ng hapon ang Free Summer Sports Clinic Caravan 2015 sa bayan ng Talavera, Lungsod ng Cabanatuan, bayan ng Bongabon at bayan ng General Natividad. –Ulat ni Shane Tolentino

[youtube=http://youtu.be/L2lzFqrrFHI]