Tuluy-tuloy ang pagsuporta ng Pamahalaang  Panlalawigan sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng edukasyon sa mga walang kakayanang makapag-aral bunsod ng kakulangan sa pinansyal.

Ito ang ipinagmalaki ni (PMTC) Provincial Manpower Training Center Chief Officer Raoul Esteban aniya, sagot ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Umali kasama ang National Government ang matrikula ng mga estudyante at misceleniuos fees hanggang P800 lamang ang tanging binabayaran ng mga ito.

Bagaman libre, siniguro naman ng hepe na pumapantay ang kalidad ng edukasyon ng  PMTC sa mga malalaki at pribadong eskwelahan sa probinsya kung kaya’t walang dahilan upang hindi tangkilikin ang napakagandang programa na ito ng pamahalaan.

Lalo pa nga at isa lamang umano sa mga pinakamalalang problema hindi lamang sa Nueva Ecija kundi maging sa maraming lugar sa bansa ang lumalaking bilang ng mga kabataang hindi nakapagtatapos ng pag-aaral dala na rin ng kakapusan sa pera.

Taong 1994 nang simulang itayo ang nasabing eskwelahan sa ilalim ng (NMYC) National Manpower and Youth Council na ngayon ay (TESDA) Technical Education and Skills Development Authority.

Sa huli, ipinangako ni Esteban na mas pag-iibayuhin pa ng kanilang pamunuan katuwang ang pamahalaang panlalawigan ang pagbibigay ng serbisyo publiko lalo na nga’t ito ang kinakailangan ng marami nating mga kababayan.- Ulat Ni Mary Joy Perez