Humingi ng paumanhin si PDEA 3 Regional Director Jeoffrey Tacio sa ginanap na special meeting ng RPOC 3 sa pamumuno ni Nueva Ecija Governor Aurelio Umali dahil sa maling datos na ini-report ni Assistant Regional Director Attorney Christian Privaldo kaugnay sa dami ng nakumpiskang shabu sa buong Region 3 noong 2014.
Ayon kay Director Tacio, 482.7 kilograms ng shabu ang nasamsam ng pinagsanib-pwersa ng PDEA, NBI, at PNP sa mga lalawigan ng Central Luzon nang nakaraang taon na nagkakahalaga ng Php 1.6 billion taliwas sa naunang nai-ulat na 1.6 million kilos.
Umabot sa Php 2.6 billion pesos ang suma total ng lahat ng nakumpiskang dangerous drugs ng mga otoridad sa buong Gitnang Luzon noong 2014 kung saan kabilang ang mahigit 8, 768 grams ng Marijuana leaves, 1,044 na piraso ng tableta ng Ecstacy with Meth, 824 grams ng Hashish, 236, 760 grams ng Ephedrine, at Php 94.2 million na presyo ng shabu at mga kagamitan sa paggawa nito na nahuli sa Mega Lab sa Camiling, Tarlac.
Base pa rin sa ulat ng PDEA, tumaas sa 47% nang nakaraang taon ang mga naisagawang operasyon ng mga otoridad kontra illegal drugs habang 80% naman para sa mga naarestong personalidad kumpara noong 2013.
Resulta umano ito ng agresibong kampanya ng mga ahensiya ng gobyerno laban sa droga.
Ngunit, dismayado pa rin ang mga opisyales ng RPOC dahil bigo umano ang PDEA na ihayag ang estado ng bawat bayan at lungsod pati ng mga barangay na apektado ng illegal na droga katulad ng inaasahan kung kaya nag-schedule ng espesyal na pagpupulong.
Komento ni Governor Oyie Umali, dapat na mas naging detalyado ang report ng PDEA upang matukoy ang mga espesipikong lugar na talamak ang problema sa droga, partikular ang mga barangay upang matawag ang pansin ng mga namumuno rito maging ang iba’t ibang sektor ng lipunan.
Paliwanag ni Gov. Umali na sa ganitong paraan ay magiging magkatuwang ang lokal na pamahalaan, mga otoridad at stakeholders upang makabuo ng mga estratehiya para mabawasan o kaya ay tuluyan ng masolusyunan ang problema sa illegal na droga sa Region 3.- Ulat ni Clariza De Guzman
[youtube=http://youtu.be/4Igymf2PCPU]