Nagkaisa ang simbahan at ang liga ng mga barangay ng Nueva Ecija, upang suportahan ang DILG o Department of Interior and Local Government sa pamumuno ni Secretary Mar Roxas sa kampanya nito na ipatupad ang daang matuwid sa mga proyekto ng mga lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng paglunsad ng UBAS o Ugnayan ng Barangay at Simbahan, na ginanap sa Convention Center, sa Palayan City.
Ayon kay Roxas, nabuo ang UBAS para pakilusin ang ordinaryong mamamayan at masigurong magtatagumpay ang kampanya kontra sa katiwalian sa lahat ng lebel ng pamamahala.
Malaki anya ang maitutulong ng simbahan at ng mga barangay para tiyakin na hindi maibubulsa ang mga pondong inilaan ng pamahalaan sa mga proyektong mapapakinabangan ng mamamayan.
P20B pondo ang inilaan, bilang ayuda para sa mga proyekto sa komunidad bukod sa kasalukuyang natatanggap na IRA o Internal Revenue Allotment ng mga barangay.
Isa sa mga programang tututukan ng samahan ang GPBP o Grassroots Participatory Budgeting Process, ang programa ng DILG na naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang mamamayan sa pagpili ng mga lokal na proyektong popondohan ng pamahalaan.
Isinapormal at pinagtibay ang naturang suporta sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement nina Sec. Mar Roxas, liga ng mga barangay National President Atty Edmund Abesamis, Most Rev. Roberto Mallari (Diocese of San Jose City), Most Rev. Sofronio Bancud (Diocese of Cabanatuan City), Rev. David Reyes (IEMELIF Church), Rev. Gilbert Pascua (The United Methodist Church) at Gov. Aurelio Matias-Umali.
Suportado ni Gov. Umali ang layunin ng programa. Sa katunayan, buong pwersang pumunta ang mga opisyales ng barangay at mga Mayor ng iba’t-ibang bayan at lungsod ng lalawigan.
Ika-labing dalawa na ang lalawigan sa napuntahan ng programa. Inaasahan na ilulunsad ang UBAS sa iba’t-ibang panig ng bansa sa mga susunod na linggo. –Ulat ni Danira Gabriel