
MGA KAWANI NG KAPITOLYO, SAMA-SAMANG IPINAGDIWANG ANG PGNE EMPLOYEE’S DAY
Masayang ipinagdiwang ng 2, 000 kawani ng kapitolyo ng NUEVA ECIJA ang ikalawang taong selebrasyon ng Araw ng mga Empleyado ng Nueva Ecija o PGNE Employee’s Day na ginanap sa Provincial Capitol, Palayan City noong huwebes ika-24 ng Setyembre.
Sama-samang sinalubong kasama ang ama ng lalawigan ng Nueva Ecija, Governor Aurelio “Oyie” Matias Umali at ina ng lalawigan at kongresista ng ikatlong distrito, Congresswoman Czarina “Cherry” Umali ang pagbubukas ng seremonya ng nasabing okasyon.
Binigyang pugay ng gobernador ang mga empleyado sa pagiging tapat na lingkod bayan para sa mga mamamayang Novo Ecijano.
Samantala, pasasalamat naman ang ipinaabot ni Congresswoman Cherry Umali sa mga kawani ng kapitolyo.

GOV. OYIE MATIAS UMALI AT CONGW. CHERRY UMALI, DUMALO SA PGNE EMPLOYEE’S DAY
Dahil sa sipag at tiyaga ng mga empleyado, inilapit ng pamahalaang panlalawigan sa pangangasiwa ng Provincial Human Resource Management Office o PHRMO ang mga pamparelax o make-over tulad ng libreng gupit ng Aling Dely’s Salon, libreng masahe ng Salon de Albularyo at libreng manicure/ pedicure ng Orange Salon at Aling Dely’s Salon.

MAHIGIT 100 PAPREMYO, PINAMAHAGI SA RAFFLE DRAW
Lalo pang nagpasabik sa mga kawani ang mahigit isang daang papremyo na nakuha tulad ng 2 “48” Samsung television, 1 sharp refrigerator, 10 deskpan, 10 rice cooker, 10 electronic kettle, cellphones at tablet na mula sa iba’t ibang sponsors.
Nakuha ni Ursula Castro mula sa ELJ Hospital ang refrigerator, at masayang naiuwi nina Romila Gangan ng Gapan District Hospital at Eulalia Ligon ng PCEDO ang 48” Samsung television.
Bukod dito, one stop shop naman ang hatid ng pamahalaang panlalawigan sa mga kawani na nais magloan, mag-update at mag-inquire sa mga ahensya ng PAG-IBIG, Landbank, Development Bank of the Philippines, PHILHEALTH, NSO, at GSIS.

1ST BLOOD LETTING PROGRAM, ISINAGAWA SA PGNE EMPLOYEE’S DAY
Kalakip din ng selebrasyon ang hangad na makatulong sa mga nangangailanagan ng dugo. Kauna-unahang pagkakataon na magkaroon ng Blood Letting Program kung saan nakalikom ng 59 na piraso ng mga bag ng dugo mula sa 109 na katao na dumaan sa screening test. Ang 59 na bag ng dugo ay maiimbak sa tanggapan ng PJG Hospital.- Ulat ni Shane Tolentino