The Patio@577: A Food Lover’s Dreamland

Isang katuparan ng pangarap. Isang pagbubukas sa publiko ng isang pribadong paraiso. Isang pagpapamalas ng talento sa pagluluto. At isang pamamahagi ng mga kuwento at kaalamang nagmula pa sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.

Ilan lamang ito sa kumakatawan ng The Patio@577, isang konseptong restoran na nagsimula bilang kolaborasyon sa apat na magkakaibigang propesyonal. Habang nasa ibang bansa ang may-ari ng bahay na kung saan binuksan ang kalahating bahagi nito upang maging The Patio, isa naman sa kanila ang nagsilbing puso at siyang nagpamalas ng kanyang galing sa pagluluto.

“Passion is everything. Kapag hindi mo mahal ang ginagawa mo, lumalabas ito sa produkto ng ginagawa mo, lalo na sa pagluluto.,” ani Dra. Gigi Espiritu, na ang pangunahing trabaho ay ang pagiging dentista, nguni’t ang tunay niyang adbokasiya ay sa pagluluto.

At hindi basta pagluluto ang ipinamalas niya sa The Patio@577 kundi isang pagsasama ng mga putaheng nakahiligan niya at ng mga kaibigan niya mula pa sa iba’t-ibang bahagi ng buhay at mga biyahe nila mula sa ilang sulok ng mundo. Dadalhin ka ng The Patio@577 sa sinasabing “gourmet’s heaven” mula sa simple, malinis at refreshing na mango kani salad nito with roasted sesame dressing hanggang sa richly flavored at katakam-takam na fall-off-the-bone baby back ribs nito.

Hindi rin patatalo ang best-seller nitong spring rolls na impluwensyado ng Thai at Vietnamese cooking kasabay ng Charlie chicken pasta na di matawaran ang perpektong tangy-spicy nitong kombinasyon.

Ngunit ibang klase ang sarap at linamnam ng pan-grilled salmon ng The Patio@577. Lasang-lasa mo ang pagkasariwa ng salmon habang mala-chicharon sa simula ang balat nito hanggang makagat mo na ang chewy at rich center ng laman mismo. Imposibleng hindi mo babalikan ang salmon experience na dulot ng The Patio kasabay ang pagsasalo nito at ng iba pang putahe sa The Patio@577 kasama ang mga kaibigan o kapamilya.

“Yun naman kasi talaga ang dahilan kung bakit namin itinayo ang The Patio—upang magsilbing venue siya sa pagsasama ng mga taong close sa atin at ang pamamahagi ng mga kuwentong at ala-alang pinasarap pa lalo habang nagsasalo-salo sa mga pagkaing tunay na nagmula sa puso,” paliwanag ni Dra. Gigi.

“In fact, doon din nagsimula ang friendship naming apat—lahat kami masarap kumain, mahalaga sa amin ang mga propesyon namin at lahat yun dahil mahal namin ang mga pamilya at mahal namin sa bahay,” dagdag pa niya.

Tulad ng pangalan nito na inspirado rin ng istruktura ng bahay kung saan nagmula ang The Patio@577, sadyang homey, cozy at natural ang hanging hahalina sa mga bisita nito habang napapaligiran ng mga halaman mula sa garden. Naging saksi na rin ang The Patio@577 sa mga nagliligawang magsing-irog, mga kapamilyang nagkita-kitang muli, at ilan pang selebrasyon.

At lahat yan dahil sa intimate home setting ng The Patio@577 na kung saan komportable ang lahat na parang nasa sarili lamang nilang bahay habang ine-enjoy ang mga handang isa-isang nagpapasarap sa mga okasyong dumaan at darating pa sa The Patio@577.

 

Para sa karagdagang impormasyon:

The Patio@577

577 Mabini Street, Cabanatuan City

Dra. Gigi Espiritu and Ms. Jaygette Gamboa

Landline: (044) 464-7978

Mobile Number: 0922-577-6337

Facebook: The Patio at 577