Pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office III at ng National Commission on Indigeneous Peoples o (NCIP) ang pagbubukas sa apat na araw na Livelihood training para sa apatnapung  representante ng mga katutubo sa lalawigan na may temang ‘Entrepreneurship and Business Planning Training-Workshop’ na ginanap sa Harvest Hotel sa Cabanatuan City.

Sa aming panayam kay Dr. Donato Bumacas Hepe ng NCIP, kahirapan ang nangungunang problemang kinakakaharap ng mga katutubo sa lalawigan kaya ang training na ito ang nakikita nilang posibleng sagot sa suliranin.

Ang apat na araw na training ay naglalayong turuan ang mga partisipante partikular ang mga katutubo kung paano ang tamang pagnenegosyo ng kanilang produkto upang maging competitive at mas mapaunlad pa ang kanilang buhay.

Ayon kay Emmanuel Domingo mula sa tribo ng Dumagat sa Bayan ng Gabaldon, inaasahan aniya ang training na ito ay makatutulong sa pamumuhay ng kapwa katutubo. Nais aniya na mapukaw nito ang gobyerno upang maibaba ang ayuda na nararapat para sa kanila lalo sa usaping agrikultura na pangunahing ikinabubuhay ng mga katribo.

Sinabi pa nito na sana bigyang pansin ang tulong pangkabuhayan partikular sa mga kababaihang katutubo na ang ikinabubuhay ay handicraft o paglalala ng banig at cogon.

Nalulungkot namang inamin ni Dr. Bumacas  na walang pondo ang mga katutubo kaya‘t mahalaga sa mga katutubo ang partnership o pakikipagsosyo mula sa Government Sector, Business Sector at Civil Society Organization para suportahan ang mga katutubong nasa laylayan.

Samantala, tinutukan noong nakaraang taon ang Capacity Building ng mga Indigenous People Mandatory Representatives (IPMR) dahil sa hindi pagiging aktibo nito.  Ngayong taon ay prayoridad ng NCIP ang pagbibigay kaalaman sa  mga katutubo sa pagpapasa ng mga ordinansa mula sa kanilang tribo.

Sa March 29, 2019 naman araw ng Biyernes ang huling araw ng pagsasanay.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran