Si Tito Beto at ang Alamat ng Buriquitos

“Kung tutuusin, dapat naman iisang resulta lang ang kahihinatnan ng isang lutuin kahit sino pa ang nagluto. Parehong sangkap at putahe, parehong paraan ng pagluto at sa parehong lugar at sitwasyon. Pero ang misteryo nito, iba talaga ang kinalalabasan eh. Puso kasi ang sekreto. Dapat may pagmamahal ka sa ginagawa mo.”

Ang sarap kausap ni Beto Manigao o “Tito Beto” kapag nagkagaangan na kayo ng loob, ang haligi at nagsimula ng Bakud, ang pitong-taong gulang na sekretong restobar o tambayan at kainan ng mga artists, free thinkers, expats at may pagmamahal sa masarap na pagkain. Low profile ekanga pero sinumang umapak dito ay nagugulat sa mga natitikmang pa-sampol ni Tito Beto at ng kanyang anak na si Rocky. Hindi nakakagulat na mula sa isang tagong lugar sa Cabanatuan ay nakilala ito ng iba pang visiting foreigners dahil sa napakasariwang hangin at simpleng ganda ng lugar at higit sa lahat sa mga panalong putahe nito.

Isa na rito ang pinakasikat nilang buriquitos na sariling likha ng anak ni Tito Beto na si Rocky. Hiniram ang konsepto nito sa calzone o parang closed-crust na stuffed pizza, ngunit kakaiba ang kapal, lutong at linamnam ng sariling-gawang oven-baked crust na bumabagay sa mga balot nitong karne, gulay at spices na tila nag-uunahang humalina sa sinumang maka-amoy at makatikim ng burikito kapag hiniwa na ang crust nito.

“Nagsimula sa biro ang pagpapangalan namin sa buriquitos. In short, galing ito sa pangalan ng “imbentor” nitong si Rocky na tinatawag ng barkada niya bilang Rockito. Yung little Rocky eventually naging buriquito at yun ang pumatok sa mga parokyano nito mula noon,” kuwento ni Tito Beto.

Bukod sa buriquito, ipinamalas ni Tito Beto ang husay sa pagluto ng Italian pasta at claypot gamit ang terracotta. Isang napakahiwagang rebelasyon ang seafood fettuccini, perpekto ang pagka-al dente ng pasta habang napakalinamnam namang bumagay ng mga hinalong sangkap na seafood at sekretong fettuccini sauce. Wala kang sasayangin sa bawat himaymay ng pasta dahil napakayaman ng mga ito sa sarap at lasa ng kasamang sauce.

Malaki man ang serving ng bawat putahe sa Bakud at for sharing talaga, magugulat ka na lang na mauubos mo ang mga ito kahit mag-isa lalupa’t may kasamang malamig na beer, kape o anumang inuming patok sa’yo. At dahil nasa tabi ka lang ng isang bukid habang dinuduyan ng sariwang hangin sa silungang istilo ng Bakud, barkada na lang ang kulang kung di man tahimik kang makakapagmuni depende sa mood.

Kung ang bagong putahe naman nilang manok sa palayok ang inorder mo, siguraduhin mong nandiyan ang buong barkada o pamilya para mapagsaluhan ang fall-off-the-bone tender na isang buong manok. Pero habang nasa Bakud si Tito Beto, siguradong para ka na ring may kaibigang sa dami ng mga adventures niya sa buhay ay siguradong maaaliw ka at may mapupulot na aral o inspirasyon di lamang sa pagluluto kundi sa pamumuhay mismo.

Totoo ngang puso ang sekreto ng Bakud, at si Tito Beto ang nagpapatibok nito kasama ng kanyang butihin ding asawa at mga anak.

 

Para sa karagdagang impormasyon:

Bakud Nature’s Bar

Batisan Street, Aduas Norte, Cabanatuan City

Jigson Manigao

Landline: 940-0386

Mobile Number: 0915-423-6055

Facebook: Bakud Natures Bar