July 1, 2014 — Maaari nang makuha ang bagong plaka ng mga sasakyan sa LTO o Land Transportation Office ng Nueva Ecija.
Ayon kay LTO Chief Realto Sabacan, bagamat naantala ang paghahatid nito sa kanilang opisina, ay nakahanda na itong kunin ngayon anumang oras.
Dagdag pa niya na uunahin muna ang mga bagong pribadong motorsiklo at sasakyan na kakabitan ng mga bagong plaka na nairehistro simula February 17 ngayong taon. Matapos nito ay saka lamang isusunod na isyuhan ang mga pampublikong sasakyan.
Ang mga bagong plaka ay may tatlong letra at apat na numero. Hindi rin daw ito basta-basta mananakaw, dahil ang ginagamit na turnilyo ay kusang napuputol ang ulo kapag naikabit na ang plaka.
Meron din itong barcode sa kanan bahagi ng plaka upang malaman ng LTO kung tama ba ang plakang nakakabit sa sasakyan.
Kita na din ngayon ang rehiyon ng lugar, upang mas mabilis na matukoy kung saan galing ang sasakyan.
Bukod pa sa malinis tignan ngayon ang bagong plaka, mas malinaw pa itong makikita sa gabi, dahil reflectorize na ito.
Inaasahan naman sa third quarter ngayong taon, ilalabas ang mga bagong plaka para sa mga pampublikong sasakyan. Ulat ni Danira Gabriel