Patuloy na umiikot sa mga palayan ang Department of Agriculture (DA) at Office of the Provincial Agriculturist (OPA) para magsagawa ng pagsusuri upang alamin ang kabuuang pinsala ng Bagyong Ompong sa sektor ng agrikultura sa Nueva Ecija.

Base sa partial and unofficial report ng OPA nitong September 17, 2018, ay nasa mahigit dalawang bilyong piso ang halaga ng nasirang palay, gulay at mais sa lalawigan.

Ayon kay Provincial Agriculturist Serafin Santos, magbabago pa ang datos hanggang sa ma-validate na ng mga kawani ng tanggapan ang lahat ng mga bukirin na nasira, dumapa at nalubog sa baha dahil kay Ompong.

Mula sa isinumiteng ulat ng labing walong lokal na pamahalaan ay nagkakahalaga ng P2,873,053.40 ang halaga ng napinsala sa palay sa probinsiya. Lumalabas na ang bayan ng Talavera ang pinaka naapektuhan na umabot sa P197 million, pangalawa ang rizal na may P191 million at pangatlo ang lungsod ng Muñoz na may P178 million.

Umabot naman sa P38 million ang halaga ng nasirang gulay, ang bayan ng Talugtug ang nangunguna na may halagang P12 million.
Habang sa tanim na mais, ay nasa P2.8 million ang naiulat na halaga na kung saan ang bayan ng Quezon ang pinaka-apektado na may halagang P1.4 million.

Sa pahayag pa ng OPA, sa 177,000 ektarya na inabutan ni Ompong na nakatanim na palay ngayong wet season, 20,000 ektarya na ang naani dito habang ang 90,000 ektarya ang naapektuhan ng bagyo.
Dapat aniya na makaani ng 5 metric tons kada ektarya ang mga magsasaka upang hindi malugi.

Kapag nakumpleto na ang hawak nilang datos ay sisimulan na ang pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka na pinakanasalanta ng bagyo kagaya ng libreng pagpapahiram ng traktora at pagpapautang sa ilalim ng Ani ng Masaganang Uhay (AMU).

Aniya, hindi man nila kayang tulungan ang lahat ng naapektuhan ay wag mawalan ng pag-asa dahil nakaalalay ang Pamahalaang Panlalawigan at Pamahalaang Nasyunal sa mga magsasaka.

Panawagan ng OPA sa mga magsasaka, kung sakaling hindi naisama sa pagsusuri ang inyong mga nasirang pananim ay maaaring dumulog sa inyong munisipyo upang mapabilang sa listahan ang inyong pangalan ng mai-validate ng mga kinauukulan at maging prayoridad sa mga bibigyan ng tulong. –Ulat ni Danira Gabriel