July 2, 2014 — Nagdaos kahapon ng isang consultation meeting ang lokal na pamahalaan  ng bayan ng Guimba kasama ang animnapu’t-isang punong barangay na ginanap sa Guimba Maternity And Lying-In Clinic na dinaluhan ng ama ng ating lalawigan Governor  Oyie Umali, Congresswoman Cherry Umali at Mayor Francis Stevens “Boyito” Dizon.

Pagkatapos ng isinagawang Gift Giving Program ng Lingap Mula Sa Puso sa Lungsod Ng San Jose ay dumiretso sina Governor Oyie  at Congresswoman Cherry sa bayan ng Guimba upang makadaupang palad ang mga punong barangay nito.

Ang layunin ng isinagawang pagpupulong ay hinggil sa mga saloobin at kahilingan ng bawat barangay.

Ayon kay Mayor Francis Stevens “Boyito” Dizon,  ang kanyang pangarap ay mapabuti ang bayan ng Guimba at ang mga barangay nito at sa tulong ni Governor Oyie ay maisasakatuparan ang lahat ng kanilang magagandang proyekto para sa kanilang bayan.

Ayon kay Congresswoman Cherry, kasama siya at si Governor Oyie sa iisang layunin na makatulong sa barangay at sa lahing Novo Ecijano.

Napansin din ni Governor Oyie sa kanyang pag-ikot-ikot sa bayan ng Guimba ang mga dapat gawin at ayusin partikular na ang mga daan at eskenita.

Samantala, sa huling bahagi ng pagpupulong ay binigyang pagkakataon ang ilang punong barangay na sabihin ang kanilang mga saloobin. Isa na dito ang paghiling na madaluyan ng tubig ang kanilang mga irigasyon.

Ayon kay Governor Oyie, ang kakulangan ng tubig sa Pantabangan ay isang malaking problema kung saan ay isang malaking dagok kung hindi gaganda ang daloy ng tubig sa Pantabangan. Ulat ni Joyce Fuentes