Kritikal ang isang service crew matapos manlaban sa isang armadong lalaki na nang-holdap sa kanya habang naka-duty sa outlet ng Burger Machine sa Purok 7 ng San Josef Sur, Cabanatuan City.

Ang outlet ng Burger Machine sa San Josef Sur, Cabanatuan City kung saan naka-duty ang hinoldap at binaril na service crew na si Reynaldo Salvador.
Kinilala ang biktimang si Reynaldo Salvador y Macaray, 26-anyos, binata, at residente ng barangay Poblacion, San Isidro.
Base sa imbestigasyon ng Cabanatuan Police Station, 2:42 ng madaling araw nang huminto sa Burger Machine ang hindi nakilalang suspek sakay ng isang motorsiklo.
Tinutukan umano nito ng baril ang biktima at kinuha ang hindi pa natutukoy na halaga ng perang pinagbentahan ni Salvador. Pagkatapos ay binaril nito sa ulo ang biktima at mabilis na tumakas.
Sa Cabanatuan pa rin- natagpuang nakahandusay ang bangkay ng isang kwarenta anyos na lalaki sa shoulder ng Mayapyap-San Ricardo Road sa Purok 1 ng barangay Pula.

Nakakuha umano ng 5 sachet ng shabu sa bangkay ni Frederick Alarilla na natagpuan sa Pula, Cabanatuan City
May mga sugat sa ulo ang biktimang si Frederick Alarilla y Pangilinan alyas Dek, may asawa, at residente ng barangay Barrera, Cabanatuan City.
Batay sa report ng pulisya, 5:00 ng umaga nang matuklasan ni Rowean Ibañez ang patay na biktima.
Narekober ng SOCO mula kay Alarilla ang limang piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Aliaga- patay ang isang lalaking akusado sa magkasunod na nakawan sa isang eskwelahan makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa kahabaan ng Cabanatuan-Carmen road bisinidad ng barangay San Juan.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Demetrio Castillo y Regelado y Ulip alyas Bulaw, 44, at naninirahan sa General Luna, Zaragoza.
Ayon sa pagsisiyasat ng Aliaga Police Station, 1:30 ng hapon, angkas ng biktima sa motorsiklo ang kanyang live-in partner na si Joy Regelado y Bernardo, 42-anyos, at isang taong gulang na anak patungong Cabanatuan City nang sundan at paputukan ng mga suspek sakay ng isang motor na walang plate number.
Maswerte namang nakaligtas sa pamamaril ang mag-ina ng biktima. Napag-alaman na nanggaling si Castillo sa Hall of Justice sa Cabanatuan kung saan nagkaroon ng Preliminary Investigation sa tanggapan ni Fiscal Emmanuel Catahan kaugnay sa dalawang kaso ng pagnanakaw na isinampa laban sa kanya ng principal and faculty members ng Aliaga Elementary School.
Una rito, pinagbabaril din hanggang sa mapaslang ng tandem ang kasamang akusado ni Demetrio na si Ricky Feliciano noong September 12, 2016.- ulat ni Clariza de Guzman.