HYBRID RICE, SAGOT SA KAKULANGAN NG BIGAS SA BANSA

Naninindigan ang ilang grupo ng magsasaka sa Nueva Ecija at ang SL Agritech Corporation na sa Hybrid Rice Program ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng Department of Agriculture ay makakamit ang rice sufficiency sa bansa na target ng kanyang administrasyon.

Sa ginanap na mini forum ng magsasaka sa Talavera, sinabi ni Ricardo Buenaventura chairman ng Nagkakaisang Magsasaka Agricultural PMPC sa Brgy. Tabacao sa nasabing bayan na ang pagtatanim ng hybrid ay walang pinipili, basta’t angkop sa lugar ng magsasaka at panahon.

Ibinalita rin ni Buenaventura na ikinatuwa ng mga magsasaka ang pagdinig sa kanilang hinain nang makipagpulong sa pangulo kasama sina SLAC Chairman at Chief Executive Henry Bon Liong sa Malacañang noong February 14, 2023. Aniya, masaya sila na mapabilang sa programa na makapagtanim ng hybrid sa 1.5 milyon na lupang sakahan kung saan malaking porsiyento ay sa Central Luzon partikular na sa Nueva Ecija.

Naniniwala si Dr. Frisco Malabanan, dating chief ng science research specialist ng Philippine Rice Research Institute at Technical and Promotion Support Consultant ng SL Agritech na ang hybrid rice technology ang magbibigay ng magandang ani at kita sa mga magsasaka sa bansa. Kapag natamnan ang target production area ay maaabot ang nais ni Pangulong Bongbong Marcos na rice sufficiency.

Lumalabas sa pag-aaral ng Department of Agriculture at local government units na sa nakalipas na dalawang taon ay nakapagtala ng 41 percent na mas mataas na ani sa paggamit ng hybrid seed kumpara sa karaniwang inbred lalo pa’t nasusunod ang tamang pangangalaga nito.

Ang mga magsasakang gumagamit ng hybrid ay nakapag-ani mula sa 7 hanggang 15 metric tons kada ektarya ng palayan kumpara sa 3.6 metrikong tonelada kada ektarya sa inbred seeds.

Samantala, nagpahayag din ng suporta sa hybrid program ang iba pang lider ng organisasyon na kinabibilangan nina Petronilo Ucol chairman ng Panabingan Multi purpose Coop sa San Antonio, Ramon Palomo awardee ng pagsasaka sa ani na 300 kaban palay sa isang ektarya sa Guimba, at Alfredo Magdangal pangkalahatang pangulo ng Irrigators Association sa lalawigan ng Tarlac.