Sari-saring prutas, gulay at mga pagkaing minatamis, yan ang ibinida ng mga Palayanos sa kanilang Agri Trade Fair kasabay ng pagdiriwang ng kanilang 50TH Founding Anniversary.
Ipinagmalaki ng bawat brgy. ng lungsod ng Palayan ang kani-kanilang mga natatanging produkto na hindi lamang umano masarap at sariwa ay abot kaya pa.
Ayon kay Palayan City Mayor Adrianne Mae Cuevas, ngayong taon mas dumami ang mga aktibidad na gaganapin sa limang araw na selebrasyon ng anibersaryo.
Kabilang na dito ang motocross, variety shows, employee’s night at ang taun-taong isinasagawang medical caravan.
Sa kabila ng pagdiriwang at bagaman bahagyang naapektuhan ng bagyong Lando ang kanilang lungsod sinabi ni Cuevas na sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan patuloy sa pag-ahon at pag-unlad ng kanilang minamahal na Palayan.
Dagdag pa ni Cuevas, gaya ng ilang bayang nasalanta sa lalawigan ang sektor rin ng agrikultura ang kanilang tinututukan para na rin mapanatili ang pagiging Agricultural Area ng lungsod ng Palayan at lalong higit ang mga magsasakang namatayan ng kabuhayan dulot ng nagdaang kalamidad.
Samantala kasunod nito, ani Cuevas ilan pang mga proyekto ang nakahain para sa kanilang lungsod na kaniya umanong sisikaping mailatag sa lalong madaling panahon bago pa man matapos ang kaniyang termino.-Ulat ni MARY JOY PEREZ