TULUY-TULOY NA PAG-AARAL NG MGA DAY CARE WORKER SA NUEVA ECIJA, SUPORTADO NI GOV. OYIE

Suportado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali ang pagbibigay ng mga pagsasanay sa mga Day Care Worker sa lalawigan para mas mapataas pa ng mga ito ang kalidad ng kanilang pagtuturo sa mga bata.

Sa ginanap na pagpupulong ng Provincial Federation of Child Development Workers sa lalawigan na pinangasiwaan ng Provincial Social Welfare and Development Office sa pangunguna ng kanilang hepe na si Jojo Daniel nitong February 2023, sinabi ni President Amilyn Villanueva na magsasagawa ng Parents Effectiveness Service o PES training para sa kanila at sa mga magulang ng mga estudyante sa buwan ng Abril.

Sa programang ito ay bibigyan ng iba’t ibang parenting sessions at lectures na may kinalaman sa child rights and responsibilities, child abuse at parenting practices ang mga magulang para malaman ang karapatan ng mga anak bilang isang bata.

Tinalakay din ng pederasyon ang accreditation ng mga child care provider na kinakailangan nilang harapin upang mabigyan sila ng lisensiya para sa kanilang pagtuturo.

Humiling din si Villanueva sa gobernador na sana ay magkaroon sila ng karagdagang allowance para sa mga gastusin sa araw-araw sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin.

Nagpasalamat naman si Villanueva kay Gov. Oyie dahil sa laging paggabay sa kanila upang magampanan ang kanilang tungkulin sa pamayanan.

Sa darating na June 7 hanggang 11 ay magkakaroon ng selebrasyon ng National Day Care Workers’ Week kung saan magtitipon-tipon muli ang mga ito sa regional office.