Mula sa iba’t-ibang bayan ng Lalawigan ng Nueva Ecija, dumagsa ang mga Novo Ecijano bitbit ang kanya-kanyang talento upang mag-audition sa Talentadong Novo Ecijano sa Old Capitol Auditorium, Cabanatuan City.

   Ayon kay Joel Dela Cruz, coordinator ng naturang talent search, ito ay bahagi ng selebrasyon ng ika 120th Anniversary ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija.

   Layunin nitong mabigyan ng oportunidad ang mga Novo Ecijano na maipamalas ang kanilang mga natatanging talento.

   Nahahati sa tatlong kategorya ang nasabing talent search, ang Singing, Dancing at Special Talents Category, kung saan bawat kategorya ay may tatanghaling kampeon.

   Makakatanggap ng P10, 000 ang grand winner; P7, 000 para sa first placer; at P5, 000 para sa second placer.

   Mula sa mahigit limampung auditionee ay pipili lamang ang mga hurado ng labing lima para sa Singing Category, walo sa Special Talents at walo din sa Dancing Category, na maghaharap-harap sa finals.

   Ayon naman sa isang hurado na si Ronnel Alvarez, nahirapan silang salain ang mga kalahok lalo na sa Singing Category dahil aminado itong magagaling na mang-aawit ang mga Novo Ecijano.

   Inaanyayahan naman kapwa nina Dela Cruz at Alvarez ang mga Novo Ecijano upang tunghayan ang pagtatagisan ng iba’t-ibang mga talento ng mga kababayang Novo Ecijano sa darating na August 23, 2016 sa G/F Event Center SM Cabanatuan City, ala una ng hapon. -Ulat ni Shane Tolentino